2 barangay at 2 hotel sa Maynila, isasailalim sa lockdown

ISASAILALIM sa lockdown ang Barangay 351 at 725 sa lungsod ng Maynila.

Ito’y matapos makapagtala ang Manila Health Department ng higit sa 10 aktibong kaso ng COVID-19 sa mga lugar.

Magsisimula ang lockdown sa Huwebes, Marso 11 mula 12:01 ng umaga hanggang sa Linggo, Marso 14 sa 11:59 ng gabi.

Maliban dito, ilalagay din sa lockdown ang dalawang hotel ng Malate Bayview Hotel Mansion at Hop Inn Hotel na matatagpuan sa Barangay 699.

Ito’y matapos makitaan ng mga aktibong kaso ng COVID-19 ang nasabing mga hotel.

Naitala ang 17 kaso ng COVID-19 sa dalawang hotel, 12 kaso naman sa Barangay 351 San Lazaro, Tayuman habang may 14 aktibong kaso sa Barangay 725 Malate.

Hindi kabilang sa nasabing lockdown ang mga healthcare worker, police at military personnel, government employees, at service workers ng pharmacies, drug stores at death care service establishments.

Kabilang din sa hindi kabilang ang mga barangay official, media practitioners accredited ng Presidential Communications Operations Office, at ang Inter-Agency Task Force.

SMNI NEWS