2 bayan sa Pangasinan, idineklarang orange category matapos ang pamamaril

2 bayan sa Pangasinan, idineklarang orange category matapos ang pamamaril

PORMAL nang isinailalim ang dalawang bayan sa lalawigan ng Pangasinan sa orange category habang tatlo naman ang yellow category matapos ang insidente ng kaguluhan at pamamaril sa ilang barangay partikular na sa Brgy. Bayaoas, Aguilar at Brgy. Asin Este sa Malasiqui.

Kaugnay sa insidente ng pamamaril sa Brgy. Bayaoas, Aguilar, kamakailan lang ay sumuko ang isa sa mga suspek sa pagpatay sa kumakandidato sa pagka-kapitan na si Arnel Flormata matapos ang isinagawang pagpupulong sa kanilang lugar.

Kinilala ang sumukong suspek na si Jason Marquez Vicente na sumuko dahil hindi nakayanan ng konsensiya nito ang nangyaring krimen na akala niya ay walang mangyayaring patayan.

“Nakonsensiya siya noh. Kasi ang alam niya bubulabugin lang nila ‘yun at walang mangyayaring patayan. As a human, siya ay simpleng magsasaka lang kaya nakonsensiya siya kaya siya ay nag-volunteer na lumabas,” ayon kay Col. Jef Fanged, Provincial Director, Pangasinan Police Provincial Office.

Kaagad namang naaresto ang mga kasamahang suspek na sina Kelly Doroy Rosario na umano’y gunman at Maria Magnolia Repascol Gelido na umano’y mastermind sa nasabing krimen na nahaharap sa kasong pagpatay.

Labis namang ikinadismaya ni Gov. Ramon Guico III ang mga pangyayari sa kabila ng mga sunod-sunod na pagpaalala nito sa mga mayor ng lalawigan na paalalahanan ang mga kandidato na gawing mapayapa at tahimik ang eleksiyon.

“I was calling for a peaceful election. Even when I met with our mayors I always encourage them to remind all the candidates kasi sila ang nakakakilala ng lahat. Ang hinihingi ko po ay mapayapa, tahimik, peaceful election. Kaya nagagalit ako, naiinis ako because after so many successive sa mga programa natin sa mga ilang araw, tapos ganito ang bubulaga sa atin,” saad ni Gov. Ramon Guico III, Province of Pangasinan.

Kaugnay naman sa tatlong yellow categories, kabilang dito ang mga bayan ng Burgos, Mangatarem, at San Quintin.

“Meron tayong tatlong yellow category ito’y ‘yung Municipality of Burgos, Municipality din ng Mangatarem which is barangay ni gunman sa Durungan Punta, and then ‘yung isa is Barangay Alak sa San Quintin because of certain requirements doon halimbawa sa Burgos dahil doon sa historical background na ang barangay captain doon na nanalo ay binaril last 2018,” ayon pa kay Col. Fanged.

Inaasahan naman na mayroong augmentation mula sa PNP Regional Headquarters na idadagdag sa mga lugar na na-monitor na may intense political rivalry.

Para naman kay Binmaley Mayor Pete Merrera, mapayapa ang sitwasyon sa kanilang bayan kaugnay sa BSKE.

“Tungkol sa peace and order, medyo maganda at nagkaroon ng kapulisan natin in every barangay police visibility para at least mache-check nila kung mayroon ‘yung mga kaguluhan diyan. Sabi ko kay hepe na tingnan-tingnan niyo lang diyan para at least maiwasan ‘yung mga pangyayari kagaya ng nangyayari doon sa Bayaoas,” ayon kay Mayor Pete Merrera III, Binmaley, Pangasinan.

Sa sitwasyon naman ng Sangguniang Kabataan Election, ayon kay Atty. Marino Salas, Pangasinan, Election Supervisor ng COMELEC Pangasinan, hindi rin ito nalalayo sa barangay election dahil habang papalapit ang halalan ay umiinit din ang political rivalry ng mga kabataan,ang kakaiba nga lang aniya ay ginawa nila ito sa social media.

“Doon po sa barangay at sa SK, halos pareho lang ang political situation habang papalapit po ‘yan, umiinit po ‘yan. ‘Yun po ‘yung sinasabi ko na we should not under estimate ‘yung Barangay and SK Election. Sila more on social media at palitan ng salita” ani Atty. Marino Salas, Pangasinan Election Supervisor.

Plano ng PNP Pangasinan na tuluy-tuloy ang deployment ng mga pulis hanggang sa araw ng Undas kung saan 24 oras na umiikot ang mga ito sa buong lalawigan.

Pinaalalahanan naman ng PNP Pangasinan ang mga kababayan na huwag matakot sa mga nangyaring insidente dahil gagawin nila ang lahat para mapanatili ang kapayapaan sa Oktubre 30 election at sa darating na Undas.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter