2 Chinese nationals, arestado sa kasong kidnap for ransom sa kapwa nitong Chinese—PNP AKG

2 Chinese nationals, arestado sa kasong kidnap for ransom sa kapwa nitong Chinese—PNP AKG

NASA pangangalaga na ngayon ng Philippine National Police (PNP) Anti-Kidnapping Group (AKG) ang dalawang suspek na pawang Chinese nationals matapos silang masangkot sa pangingidnap ng kapwa nila Chinese.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nangutang ang biktima mula sa mga suspek ng halagang P180-K matapos na matalo sa casino sa Pasay City.

Pero nang singilin na umano ang biktima at hindi makabayad – dito na siya dinukot at ikinulong sa isang hotel sa Pasay.

Kapalit ng kalayaan nito, nagdemand ang mga suspek ng P1.8-M.

Habang nakakulong naman ang biktima, nagawa nitong makahingi ng tulong sa kaniyang asawa para maipambayad sa mga suspek.

Dito na humingi ng tulong sa mga pulis ang mga kaanak ng biktima.

“‘Yung biktima tumawag doon sa asawa niya. Ang istorya nito ay nagsugal ito si biktima at nakautang siya ng medyo malaking halaga pero mas malaking halaga pa ang hiningi noong inutangan. So, hanggang sa makarating sa kaalaman ng PNP at ito ay agad na narespondehan,” ayon kay Col. Jean Fajardo, Chief, PNP-PIO.

Batay sa obserbasyon ng PNP, hindi na bago sa mga casino ang pagpapautang ng pera lalo na sa mga lulong sa sugal.

Oras naman na hindi mabayaran ang inutang, tsaka na magsisimula ang plano ng pagdukot sa mga biktima kapalit ng malaking halaga.

Karaniwang gumagala ang mga financier na ito at kusang lumalapit sa mga player at tsaka mag-aalok ng pautang.

“Accordingly, may mga taong gumagala diyan sa casino na nagpapautang ng pera sa mga players at kita nila siyempre sa table kung sinong may pera pa at wala at nag-o-offer. So, itong player ay kapag medyo nalulong sa sugal, ang gusto nilang mangyari until such time na lumaki na lumaki ang utang nila and hindi maka-recover and then nanghihiram na sila sa mga tao na ito,” dagdag ni Fajardo.

Nakapagtala na ang PNP ng 18 na kaso ng kidnapping pero agad rin naman anila itong narirespondehan sa tulong na rin ng publiko at mga kaanak ng mga biktima ng kidnapping.

Mas mababa anila ito kumpara sa nakalipas na taon sa kaparehong panahon.

Muli namang nagpaalala ang mga awtoridad sa may mga matutuwid na pag-iisip, kung maaari anila ay umiwas sa pagsusugal na kadalasa’y nauuwi sa pagkalulong dito.

“Regardless kung ano ang nationality niya, but then, kapag lulong ka na sa sugal at gusto mo makabawi at lahit na sino sa paligid mo na magpapautang, for me bilang isang may matuwid na pag iisip, kung hindi mo mapigilang maglaro ng casino at natalo ka, umuwi ka na at next time ka na lang bumawi. Huwag mo na pilitin. Huwag ka makipag-deal sa mga tao na nakapaligid sa casino kasi hindi mo alam anong pupuwedeng mangyari,” ani Fajardo.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter