DALAWANG construction workers ang natabunan sa Plaza del Norte sa Balacad, Laoag City pasado alas-11 ng umaga noong Marso 12 habang nagtatrabaho sa isang hukay.
Ayon kay Laoag City Vice Mayor Carlos Fariñas, bandang alas-11:50 ng umaga nang tumawag si Dr. Melvin Manuel, pinuno ng City Disaster Risk Reduction and Management (CDRRM), upang humingi ng tulong matapos matabunan ang dalawang manggagawa.
Agad namang rumesponde ang kanilang grupo kasama ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), Department of Public Safety (DPS), at CDRRM. Bandang alas-12:30 ng tanghali, matagumpay na nailabas ang unang biktima, at makalipas ang ilang minuto, nakuha ang ikalawang biktima.
Agad silang dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang ang mga biktima ay naghuhukay ng higit dalawang metrong lalim na butas para sa sewerage system nang biglang gumuho ang lupa at natabunan sila.
Dahil sa insidenteng ito, muling nagpaalala ang mga awtoridad sa mahigpit na pagsunod sa safety protocols sa mga construction site upang maiwasan ang ganitong uri ng trahedya.