NADISKUBRE na sa lahat ng lungsod sa Metro Manila ang dalawang COVID-19 variants ayon sa Department of Health (DOH) spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Ayon kay Vergeire, meron nang nakitang UK o South African variants sa lahat ng Metro Manila cities habang ang ibang lungsod ay mayroon ng parehong variant.
Sinabi ni Vergeire na nakatulong ang mga variant sa pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa gayunman binigyan-diin nito na ang hindi pagsunod sa health protocols ang pinakadahilan nito.
Samantala, tumanggi naman ang health official na kumpirmahin kung may community transmission na ang dalawang variants.
Sinabi ni Vergeire na patuloy ang pakikipagtulungan ng DOH sa World Health Organization (WHO) para maberipika ang lawak ng variants transmission.
Samantala, nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa PNP, local government units at mga barangay na mahigpit na ipatupad ang pagbabawal sa anumang uri ng mass gatherings sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna mula Marso 22 hanggang Abril 4.
(BASAHIN: Isolation at quarantine measures ng LGUs, mas paigtingin pa)
Ito ay kasunod ng pagsasailalim sa General Community Quarantine sa mga nabanggit na lugar dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Bukod dito, ipinag-utos din ni DILG officer-in-charge Bernardo Florece Jr. sa PNP na magsagawa ng border checkpoints sa mga nasabing lugar para mapigilan ang pagpasok at paglabas ng non-essential workers at para ipatupad ang uniform curfew hours na alas 10 ng gabi hanggang alas 5 ng umaga.
Dapat din aniyang agad na i-deploy ng mga LGU ang kanilang COVID-marshalls, barangay disiplina brigades, barangay tanods at iba pang force multipliers para ipatupad ang pagbabawal laban sa mass gatherings.
Dapat din aniyang i-monitor ng barangay health emergency response teams ang pagtugon dito ng bawat pamilya sa kani-kanilang hurisdiksyon.
Samantala, pinababantayan din ni Florece sa mga LGU ang pagtugon ng mga restaurant at mga establisimyento kung saan limitado lamang ito sa take-out at delivery maging ang pagsunod sa safety protocols at minimum public health standards ng mga essential and non-essential services at industries na operational.