2-day megawide RevGov rally, ipinahinto dahil sa paglabag sa social distancing protocol

KANSELADO na ang dalawang araw na megawide interfaith rally para sa pagsusulong ng revolutionary government (RevGov).

Maaga pa lang kahapon Pebrero  21 ay dagsa na ang iba’t ibang grupo mula sa Metro Manila at mga probinsiya sa National Capital Region para isagawa sanang megawide RevGov rally sa buong bansa.

Sa Mendiola, ang sana’y maghapong pagkilos ng iba’t ibang grupo ay tumagal lang ng hanggang tanghali dahil sa paglabag sa ipinatutupad na social distancing protocol habang umiiral  ang community quarantine dahil sa malawak pa ring banta ng COVID-19.

Samantala, bagama’t hindi man natuloy ang plano ng grupo, naniniwala ang mga kalahok na sapat na ang kanilang naipakita na pagkakaisa upang maipahatid sa publiko at maging sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kagustuhan ng mga ito na maitaguyod anila ang pagbabagong inaasam sa bayan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng bagong sistema ng pamahalaan sa ilalim ng pederalismo.

Samantala, tagumpay na maituturing ng karamihan ang pagtitipon-tipon ng mga tagasuporta ng RevGov sa Mendiola kahapon kasabay ng pangakong hindi sila titigil sa kanilang adhikain na maipaabot ito sa pangulo bago ang pagtatapos ng termino nito sa susunod na taon.

Ngayong araw ay kanselado na ang interfaith sa Mendiola, pero mananatili ang nationwide motorcade bilang bahagi pa rin ng kanilang panawagan sa nais nitong pagbabago sa pamahalaan.

Ayon sa nakuha nating impormasyon mula sa pamunuan ng MRRD-NECC, nakatakda ring isumite ngayong araw sa tanggapan ni Pangulong Duterte ang nasa 12.8 milyong petition signature mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na sumusuporta sa RevGov.

SMNI NEWS