PLANO ng national government na isagawa ang vaccination rollout para sa mga bata edad 5 hanggang 11 ngayong Pebrero 4-5 sa 24 pilot sites sa National Capital Region (NCR).
Kinumpirma ni National Task Force against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito G. Galvez, Jr. na maaaring ilabas na ngayong linggo ang draft policy ng ‘vaccination days’ rollout para sa edad 5-11.
Ito’y kasunod sa plano ng pamahalaang nasyonal na isagawa ang pagbabakuna sa naturang age group sa Pebrero 4 hanggang Pebrero 5, 2022.
Ayon pa sa kalihim gusto kasi ng Philippine Medical Association na mailagay ang vaccination days sa panahon ng weekend upang makita ng mga magulang at masamahan ang mga bata sa pagbabakuna.
Karamihan kasi sa mga magulang ay nagtratrabaho ng weekdays.
Sinabi din ni vaccine czar na ang paunang rollout para sa pagbabakuna ng mga bata ay isasagawa sa NCR.
Aniya, magde-designate sila ng hospital at non-hospital based sa bawat lungsod sa Metro Manila kaya magkakaroon ng humigit kumulang na 24 vaccination sites.
Gayunpaman, pagtitiyak ni Galvez na ang NTF ay bukas sa pagtanggap ng mga rekwest mula sa ibang mga rehiyon upang makipagsabayan ng kanilang sariling pilot implementation ng vaccine rollout.
Samantala, ipinaliwanag ni Galvez para sa mga magulang na ang mga bakunang Pfizer na gagamitin para sa mga batang may edad na lima hanggang 11 ay reformulated na.
Nangangahulugan na ang mga ito ay may mas mababang dosis kumpara sa mga bakunang ginagamit para sa age group na edad 12 pataas.
Aniya, ang mga naturang precautionary measures ay magtitiyak na ang mga bakuna na gagamitin para sa mga bata ay ligtas at epektibo.
“Nananawagan po kami sa ating mga magulang, na siguradong sigurado po kami na talagang maganda po ang formulation na ito dahil mas mababa at 91% ang efficacy,” pahayag ni Galvez.
Bukod pa dito, giit ng opisyal na maraming reports ang Estados Unidos na talagang maliit lamang ang mga side effects.
Nakaprograma din ang 12 to 17 at 5 to 11 ay may booster shot.
Bumili na rin ang pamahalaan ng dagdag na 15 million doses para matugunan ang pag-booster sa 15.56 million na mga bata na edad 5-11.
Binigyang-diin din ng vaccine czar ang agarang pangangailangan na mabakunahan ang mga bata ay upang maprotektahan sila mula sa COVID-19 at upang maiwasan ang karagdagang mutations ng mga virus
Tiniyak din ng opisyal na tuloy na tuloy na ang pagbabakuna sa edad 5-11 dahil parating na ang mga vaccine na may special formulation sa Pebrero 2.
Dagdag pa ng kalihim na ilalabas ngayong linggo ang draft policy para sa pagbabakuna ng nasabing age group.