SUNOD-sunod ang isinagawang operasyon ng Region 3 Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagresulta sa pagkahuli ng mga suspek at pagbuwag ng dalawang drug den.
Sa Mabalacat, Pampanga, apat na indibidwal ang natimbog ng mga awtoridad at nakuha ang nasa P81,600 halaga ng suspected shabu matapos ang ginawang buy-bust operation sa Brgy. Dapdap.
Ginawa ang nasabing operasyon matapos na makatanggap ng tip ang PDEA Region 3 mula sa concerned citizen na mayroong drug den sa nabanggit na barangay na pinapatakbo ng suspek na kinilalang si alyas Batik—isang residente sa naturang lugar.
Kasama rin sa nahuli ang tatlong iba pang suspek na kinilalang sina alyas Utoy, alyas Gerald at alyas Rachelle.
Sa kabuuan, narekober ng mga awtoridad ang 10 plastic sachets na may laman ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na aabot sa humigit-kumulang 12 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng 81,600; sari-saring drug paraphernalia, at ang buy-bust money.
Samantala, sa Angeles, Pampanga naman, isang drug den ang ipinasara ng PDEA Region 3 at arestado ang limang drug suspect sa ginawang buy-bust operation sa Brgy. Sapalibutad.
Umabot naman sa 10 gramo ng meth (shabu) na may halagang P68,000 at sari-saring drug paraphernalia na nakumpiska ng PDEA kabilang na ang buy-bust money.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban sa mga nahuling suspek.