BISTADO ang 2 establisyementong nagbebenta ng expired na karne sa Rizal.
Nakumpiska ang aabot sa 700 kilo ng expired na frozen meat sa dalawang establisyemento sa Binangonan, Rizal matapos mapag-alaman ang ilegal na operasyon nito.
Aakalain na ordinaryong puwesto at normal lang ang pagbebenta ng frozen meat sa Pritil, Binangonan Rizal.
Ngunit ang mga residenteng nakapalibot mismo ang naging saksi sa umaalingasaw na mabahong amoy ng karne sa naturang puwesto ng establisyemento.
Ito’y dahil expired na at mishandled ang mga frozen meat na kanilang binebenta at napag-alaman din na hindi awtorisado ang pagpapatakbo ng negosyo.
Sa isinagawang surprise operation ng National Meat Inspection Service (NMIS) at Department of Agriculture Inspectorate and Enforcement (DAIE) araw ng Martes, Agosto 2, bistado ang may-ari ng establisyementong ito kabilang ang isa pa niyang puwesto sa Calumpang.
Hindi man pinasara ay imo-monitor naman ang nasabing establisyemento dahil sa paglabag nito sa Meat Inspection Code.
Gayon na lamang ang pagtitiyak ng lokal na pamahalaan ng Binangonan sa kaligtasan ng mga konsyumer ng karne dahil ito ang unang surprise operation na isinagawa ng DA at NMIS sa kanilang bayan.
Matapos ang isinagawang operasyon ng DA at NMIS, agad naman itong inaaksiyunan ng lokal na pamahalaan ng Binangonan matapos mapa-blotter ang nag-iisang may-ari ng dalawang nabanggit na establisyemento.