2 Filipina junior weightlifters gold medalist mula Uzbekistan, balik-Pinas na

2 Filipina junior weightlifters gold medalist mula Uzbekistan, balik-Pinas na

NAKAUWI na sa bansa ang dalawang Filipina junior weightlifters na nag-uwi ng 5 gintong medalya na sumabak sa 2022 Asian Youth & Junior Weightlifting Championships sa  Uzbekistan.

Sobrang saya ng dalawa dahil hindi nila inaasahan na sa kanilang murang edad ay mag-uuwi sila ng karangalan sa Pilipinas.

Naabutan ng SMNI News si Rosalinda Faustino at Angeline Colonia na bumisita sa Red Point ng AirAsia sa NAIA Terminal-3 ngayong araw.

Sa eksklusibong panayam, hindi makapaniwala ang dalawa na sila ay mag-uuwi ng 5 gintong medalya mula sa 2022 Asian Youth & Junior Weightlifting Championships sa Uzbekistan nitong Hulyo 12.

Matatandaan, nasungkit ng 15-taong gulang na si Faustino ang 3 gintong medalya sa kategoryang 71kg, 90kg at 49kg.

Ayon sa kanya hindi niya inisip na sa larong ito may mauuwi pa siyang medalya.

Para sa kanya kasi magkaroon lang siya ng magandang record sa kumpetisyon ay sapat na.

Pero ang sakripisyo na dalawang taon na pagsasanay ay hindi biro.

Binasag naman  ng 16-taong gulang ni Colonia ang World at Asian records matapos humakot ng 2 ginto at silver medal mula sa 62kg, 61kg at 40kg na kategorya.

Saad pa ni Colonia, ang kanyang pamilya at pananalangin ang dahilan para makamit ang tagumpay sa kumpetisyon.

Ipinaabot naman ng AirAsia Philippines ang pagbati sa dalawang atleta.

Ang dalawang atleta ay unang sinusuportahan ng AirAsia Philippines sa pamamagitan ng libreng air ticket kasama ang kanilang coach na si Gregorio Francisco Colonia.

Ang libreng tiket ay palipad ng Maynila at pabalik sa Zamboanga para sa kanilang pag-eensayo sa ilalim ng Philippine Sports Commission (PSC) hanggang sa kanilang kumpetisyon sa Uzbekistan.

Nangako rin  ang World’s Best Low-Cost Airline na sasagutin pa nito ang kanilang mga biyahe sa panahon ng kanilang pagsasanay bilang paghahanda sa paparating na 2023 World Youth Championships sa Columbia at sa 2023 SEA Games sa Cambodia.

Sa susunod na araw uuwi na sa Zamboanga ang dalawang atleta kung saan inaasahan din silang tatanggap ng Heroes Welcome.

Follow SMNI News on Twitter