2 Japanese fighter jet, dumating sa Pilipinas sa unang pagkakataon mula noong WWII

2 Japanese fighter jet, dumating sa Pilipinas sa unang pagkakataon mula noong WWII

DALAWANG Japanese fighter jet ang lumapag sa Pilipinas nitong Martes sa unang pagkakataon magmula noong World War II, bilang bahagi ng pagpapalakas ng mutual cooperation sa pagitan ng Air Self-Defense Force ng Japan at Philippine Air Force.

Dumating ang dalawang F-15 fighter jet sa Clark Air Base, Angeles City, Pampanga, Philippines sakay ang humigit-kumulang 60 miyembro ng ASDF.

Ito ay bahagi ng hakbang na palakasin ang mutual understanding at defense cooperation sa pagitan ng Japan at Pilipinas.

Ayon kay Japan Air Self-Defense Force (ASDF) Squadron Commanding Officer LtCol. Shotaro Arisawa, ang pagdating ng mga jet ay nagsisilbing milestone sa kasaysayan ng defense exchanges sa pagitan ng 2 bansa mula pa noong World War II.

Sinabi ni Col Leo Fontanilla, isang commander ng Philippine Air Force, na patuloy itong makikipagtulungan sa ASDF upang mapalakas ang hukbong panghimpapawid ng bansa para sa mas epektibo at mahusay na pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon.

Kasama ang dalawang F-15, isang refueling aircraft at isang transport airplane ang ipinadala sa base.

Matatandaan na noong nakaraang buwan, inihayag ng commanding general ng Philippine Air Force, na si LtGen. Connor Anthony Canlas, na malugod niyang tinatanggap ang unang pagbisita ng mga fighter jet ng Japan sa bansa dahil ang mga Hapones ay itinuturing na kaalyado.

Sa panahon ng digmaan, nang sakupin ng Imperial Japan ang Pilipinas sa loob ng higit sa 3 taon, ginamit nito ang air field bilang base laban sa pwersa ng Amerikano.

Pinalalakas ng Pilipinas at Japan ang defense cooperation nito sa gitna ng lumalalang tensyon sa South China Sea.

Follow SMNI NEWS in Twitter