2 linggong ECQ sa NCR Plus, nagresulta ng 1.5-M manggagawang nawalan ng trabaho

HINDI bababa sa 1.5 milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho sa kalagitnaan ng dalawang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) Plus ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez, sa nasabing bilang, nasa 500,000 na manggagawa na ang nakabalik sa kani-kanilang mga trabaho matapos na luwagan ang quarantine status sa Modified ECQ.

Sinabi ni Lopez, nasa isang milyong manggagawa na nananatiling walang trabaho sa kalagitnaan ng ECQ ay inaasahang makapasok na muli oras na maibalik na sa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila, Rizal, Bulacan, Cavite, at Laguna.

Magtatagal ang MECQ sa NCR Plus hanggang Abril 30.

Pwedeng mag-apply bilang mga contact tracers

Samantala, kinumpirma ng Department of Labor and Employment o DOLE na magsisimula na sa darating na Sabado, Abril 17 ang kanilang recruitment o aplikasyon para sa mga nagnanais na maging contact tracers at ito ay magtatagal hanggang sa Abril 22.

(BASAHIN: Pagkuha ng karagdagang contact tracers, sisimulan na sa Abril 16—DILG)

Ipinaliwanag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang tanging mga kwalipikadong mag-apply ay iyon lamang nagmula sa mga displaced informal sectors o mga nawalan ng trabaho dahil sa epekto ng pandemya na idinulot ng COVID-19.

Samantala, ang mga matatanggap namang aplikante sa ilalim ng TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Displaced Workers Program ng DOLE ay partikular na itatalaga sa Metro Manila ayon sa DTI.

Ayon kay DILG OIC Secretary Bernardo Florece Jr., mayroong 10,097 contact tracers ang Metro Manila ngunit kung susundin ang ideal na ratio na 1 is to 800, kailangan pa ng 17,000 kung kaya’t kulang pa ng 7,000 contact tracers ang Metro Manila.

(BASAHIN: Bilang ng mga walang trabaho sa bansa noong Pebrero 2021, umakyat ng 4.2-M)

SMNI NEWS