ISANG kumander at asawa nitong finance officer ng Southern Regional Committee ng CPP-NPA-NDF ang nasawi sa bakbakan laban sa pwersa ng estado sa Jiabong, Samar.
Alas dos ng madaling araw Marso 16 nang makatanggap ng report ang kapulisan na may presensya di umano ng New People’s Army (NPA) sa isang barangay sa Samar.
Agad na tinugunan ng Jiabong PNP kasabay ang tropa ng 87th Infantry Battalion ng Philippine Army at iba pang ahensiya ang report mula sa isang concerned citizen patungkol sa presensiya ng anim na armadong personalidad sa Brgy. Alejandria sa Jiabong, Samar.
Nagkaroon ng palitan ng bala sa magkabilang panig kung saan dalawa mula sa hanay ng armadong rebeldeng grupo ang nasugatan dahilan para umatras ang iba pang kasamahan ng mga ito na lumaban kung saan ang mga nakuhang sugatan ay agad na binigyan ng tulong medikal na kinalaunan ay namatay din.
Nakilala ang mga namatay na sina “Kumander Butil” o Amado Adelantar o kilala rin bilang Ka Boy o Ka Bambi na namumuno sa Dalogdog Platoon noong kaniyang kabataan.
Mayroon ding P2.9 milyong pabuya ang nakapatong sa ulo ni Kumander Butil dahil nahaharap ito sa warrant of arrest dahil sa murder to frustrated murder to homicide at special complex crime of robbery with homicide sa Catbalogan-Regional Trial Court (RTC).
Sa edad na 69, miyembro na ito ng executive committee at secretariat ng Eastern Visayas Regional Committee (EVRPC), at isa ring adviser ng SRC Browser kung saan siya ay dating naging secretary.
Samantala, nasawi rin ang asawa ni Ka Butil na si Ka Cedang o Ka Mely o mas kilala sa totoong pangalan nitong Maria Norie Adelantarma na hinihinalang finance officer ng Sub-Regional Committee (SRC) Browser.
Narekober mula sa mga napaslang ang isang KG9 sub machine gun, dalawang 9mm pistol, MK2 hand grenade at iba pang improvised hand grenade.
Ayon sa ibang mga lokal sa naturang lugar, lumalabas talaga ang naturang mga napatay na NPA sa tuwing darating ang eleksyon para sa operasyon ng ‘permit to campaign’ o ‘permit to win’.