PATULOY ang tagumpay ng militar laban sa mga local terrorist group sa Maguindanao del Sur.
Noong Linggo, dalawang miyembro ng Dawlah Islamiyah–Hassan Group ang napatay habang dalawang kasamahan nilang sugatan ang nadakip matapos ang engkwentro sa Brgy. Libutan, Mamasapano.
Ayon sa ulat, naglunsad ng operasyon ang pinagsanib na pwersa ng 6th at 33rd Infantry Battalions sa ilalim ng 601st Infantry Brigade matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa planong pagtatanim ng IEDs sa matataong lugar.
Kinilala ang mga napatay na sina Tahir Salim Suweb at Benladin Adi Kamid, habang ang mga sugatang nadakip ay sina Junjun Kayogen Leosen at Rasul Mendoza Kariman. Dinala agad sa ospital ang mga sugatan para sa gamutan.
Narekober sa lugar ang dalawang M16A1 rifles, isang caliber .45 pistol, at mga sangkap sa paggawa ng IEDs.
Ayon kay Brigadier General Edgar Catu, may kaugnayan ang grupo sa pagpatay sa tatlong negosyanteng taga-Batangas at sa serye ng mga nakawan at pagpatay ng sibilyan. Kabilang din umano sila sa pananambang sa mga sundalo sa Datu Hoffer noong Marso ng nakaraang taon.
“Hindi tayo titigil sa pagtugis sa mga natitirang miyembro ng grupong ito. Ang mga napatay na terorista, mga sugatang naaresto at kasamahan nilang nakatakas ay may direktang kaugnayan sa pagpaslang sa tatlong negosyanteng nagmula pa sa Batangas at natagpuang patay sa Barangay Nabundas, Shariff Saydona Mustapha noong Mayo 30 at sa iba pang mga serye ng nakawan at pagpatay ng mga sibilyan upang matustusan ang mga logistical na pangangailangan ng nasabing armadong grupo,” ayon kay BGen. Edgar L. Catu, Commander, 601st IB, PA.
Pinuri naman ni Major General Donald Gumiran ang agarang aksyon ng militar na nagligtas sa buhay ng maraming sibilyan. Aniya, patuloy ang pagtutok ng Joint Task Force Central at ng kapulisan sa mga natitirang miyembro ng grupo upang tuluyang wakasan ang banta ng karahasan.
“Muli nating naisalba ang maraming buhay ng mga inosenteng sibilyan. Sa maagap na pagtugon ng ating kasundaluhan, nabigo ang plano ng mga lokal na terorista na maghasik ng karahasan sa mapayapang lugar na ito ng Mindanao. Hindi tayo magpapadala sa kanilang pananakot. Ang tagumpay na ito ay para sa kapayapaan at seguridad ng ating mga kababayan,” saad ni Gen. Donald M. Gumiran.