IPATUTUPAD ang ‘2-month buffer stock’ ng asukal, na inaasahang magpapababa ng presyo at makaiiwas sa shortage ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Sa sugar we are beginning to rationalize this buying schedule, the importation schedule, so that we will match the crop here of the local producers of sugar. Para hindi naman tayo nagpapasok habang mababa ang presyo ng asukal, so para mag-normalize naman ‘yung presyo.” Again [for] sugar, to cut down speculation, we are guaranteeing a buffer stock of two months. So hindi magkaka-shortage, hindi dapat tataas ang presyo,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Sa isang sectoral meeting sa Malacañang, iniulat ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) na ang umiiral na retail price ng asukal mula Oktubre 2022 – Enero 2023 ay mas mataas kumpara sa presyo mula Oktubre 2021 – Enero 2022.
Iniulat din ng DA officials na noong Enero 8, ang produksyon ng raw sugar ay nasa higit 870,000 metric tons (MT), 22.41% na mas mataas kumpara sa nakaraang crop year (CY) na 716,485 MT.
Ang Sugar Regulatory Administration (SRA) ay nag-project ng negatibong sugar-ending inventory sa Hulyo 2023.
Kaugnay nito, hiniling ng industriya ng carbonated soft drinks (CSD) at mga pangunahing stakeholder ng industriya ng asukal ang pagpapatupad ng supplemental sugar importation program.
Batay ito sa pagtataya na ang kasalukuyang imbentaryo ng asukal ay tatagal lamang hanggang sa ikalawang quarter ng taong ito.
Sinasabi ng industriya ng CSD, kung walang premium refined domestic sugar para sa paggawa ng mga produkto nito, mapipilitan ang mga manufacturer na magpatupad ng prolonged shutdowns na tiyak na makaaapekto sa kabuhayan ng kanilang mga empleyado.
Una nang inirerekomenda ng DA at ng SRA ang pag-angkat ng hanggang 450,000 MT ng asukal, kasunod ng tagubilin ni Pangulong Marcos na panatilihin ang 2 buwang buffer stock ng asukal at ibaba ang retail prices.
Dagdag pa rito, para makatulong sa pagpapababa ng presyo ng asukal, inaprubahan ng DA ang pagbebenta sa Kadiwa Stores ng 80,000 bags ng nasamsam na asukal.
Ito ay sa halagang P70 kada kilo sa pag-apruba ng mga kinauukulang ahensya, tulad ng Department of Finance at SRA.
Samantala, nilikha naman ang isang “sugar council” na binubuo ng Sugar Planters’ Federations, upang talakayin ang policy recommendations sa gobyerno para sa industriya ng asukal.