MAAARI nang makauwi sa bansa sa buwan ng Abril ang dalawang overseas Filipino worker (OFW) na biktima ng human trafficking papuntang Syria ng sindikato ng Bureau of Immigration (BI).
(BASAHIN: Pastillas scheme at human trafficking sa Immigration, iisang grupo lang —BI spox Sandoval)
Ayon kay Atty. Vida Soraya Verzosa ng Philippine Embassy sa Damascus, matapos ang kanilang pakikipag-usap sa pamahalaan ng Syria, makakabalik na sa Pilipinas ang dalawang Pinay.
“Si Alice ay naka-schedule at si Belen na pauwi within two weeks because of our coordination with their recruitment agencies through the process of dealing with the Ministry of Foreign Affairs,” pahayag ni Atty. Vida Soraya Verzosa, Philippine Embassy, Damascus.
Sa nagpapatuloy na padinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality ukol sa kurapsiyon ng BI, ibinahagi ng naturang mga Pinay na itinago sa pangalang Alice at Belen ang kanilang karanasan.
Anila, magkasabwat ang ilang tauhan ng BI kung kaya’t nakarating sila sa bansang Syria.
Paglalahad ng dalawa, aabot sa P50,000 ang natatanggap ng mga BI official sa bawat tao na nadadala nila sa Syria.
Noong 2011 pa nagpatupad ng deployment ban sa Syria ang pamahalaan dahil naka-alert Level 4 ito kasunod ng nagaganap na civil war sa bansa ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola.
Ngunit aniya mayroon pa ring mga local recruiter na patuloy na nagpapadala doon ng mga Pinay na magtatrabaho bilang kasambahay.
Saad ni Arriola 39 pa lamang mula 300 Pinay na naiulat na nagtatrabaho sa Syria ang na-repatriate o naiuwi sa bansa noong 2020.
Dagdag ng Foreign Affairs Undersecretary, kahit anumang klase recruitment ginawa sa mga OFW, hindi tinatanggap ng Syrian government na biktima ito ng human trafficking dahil may mga valid deployment documents ang mga ito.
“The Philippine government treats these deployments as trafficking in persons cases, while the Syrian authorities treat these as illegitimate since allegedly the Filipino workers possess valid deployment documents such as contracts and sometimes iqama regardless of the circumstances under which they were recruited,” ani Arriola
Nagiging mahirap rin aniya ang pagpapauwi sa mga OFW dahil kailangan pa nilang makakuha ng exit visas mula sa kanilang amo.
Binibili ng pamahalaan ang mga kontrata ng mga OFW para lang makauwi sa bansa ngunit itinigil na ito dahil inaabuso ng mga illegal recruiters.
“In order to repatriate them, the Philippine government had to previously buy out contracts of some household service workers. However, the practice has been stopped,” aniya pa.
Tumutulong naman ang Syrian government ani Verzosa na makakuha ng exit visas ang mga pabalik na OFW.
Sa pagdinig, ibinunyag ni BI Commissioner Jaime Morente ang mga pangalan ng mga Immigration officer na nagtatak sa mga pasaporte ng apat na Pinay na nabiktima ng trafficking ng mga sindikato ng ahensiya.
Lumalabas ngayon na dalawa sa mga opisyal ay nauugnay sa mga mastermind sa likod ng kontrobersiyal na pastillas scam.
Dagdag ni Morente may 44 pang pangalang ng OFW na ibinigay ang Department of Foreign Affairs (DFA) na posibleng biktima rin ng human trafficking ng naturang sindikato.
(BASAHIN: 34 Pinoy na biktima ng trafficking sa Syria, makakauwi na ng bansa)