NAKAPAGTALA ng dalawang patay ang probinsiya ng Abra at Benguet dulot ng Magnitude 7 na lindol na tumama kaninang 8:43 ng umaga.
Ayon kay Police Colonel Maly Cula, provincial director ng Abra Police, isang 23 taong gulang na babae mula sa Bangued ang nasawi, habang 54 indibidwal na nasaktan sa malakas na pagyanig.
Isa rin ang patay sa pagtama ng malakas na lindol sa La Trinidad, Benguet.
Ayon sa hepe ng PRO Cordillera PIO, isang Aron Cul-iteng ang biktima na boarder ng gumuhong gusali.
Sinubukan pang isugod sa Benguet General Hospital ang bikitma.
Sa isa pang panayam ng SMNI News kay Police Regional Information Office Chief Police Captain Marnie Abellanida, pahirapan sa ngayon ang paghahatid ng mga serbisyo dahil bukod sa problema sa mga daan, sinabayan pa ito ng kawalan ng suplay ng kuryente sa buong lalawigan.
“As to the report ng ating Provincial Director, wala pong suplay ng kuryente although may internet naman, may data naman, may signal naman,” pahayag ni Abellanida.
Sa kabila nito, tuloy ang PNP sa pagbibigay ng tulong sa mga residente lalo na sa mga malalapit sa mga daan na naapektuhan ng landslide.
“Nag-utos kaagad ang ating Regional Director (PBGen.Ronald Oliver Lee) na agad na mag-deploy ng tao para tumulong doon sa mga concerned agencies para sa mga road clearing operations kasi nga, para makadaloy agad ang daloy ng trapiko at gusto din sana makipag-coordinate sa mga concerned agencies gaya ng DPWH, OCD, para doon ma-synchronized ‘yung efforts natin with those agencies, kasi maganda dito na ‘yung effort natin is iisa,”ayon kay Abellanida.
Samantala, muli ring nilinaw ng pamunuan ng NDRRMC na walang inilabas na tsunami alert sa La Union kasunod ng malakas na pagyanig.
Ipinahayag ito ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal matapos ang kumalat na impormasyon na may inilabas na alerto ang La Union PDRRMO.
Ayon kay Timbal, nagpapatuloy ang isinasagawa nilang assessment sa Magnitude 7 na lindol na naramdaman sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kasabay nito, tiniyak ni Defense OIC Senior Undersecretary Jose Faustino Jr. na nakahanda ang quick response funds ng ahensiya sakaling kailanganin ng probinsya ng Abra.