2 Pilipino, 1 Chinese national, arestado sa pag-eespiya—NBI

2 Pilipino, 1 Chinese national, arestado sa pag-eespiya—NBI

NAARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Makati City ang isang Chinese national at dalawang Pilipino na sangkot umano sa aktibidad na pang-eespiya sa bansa.

Ayon sa inisyal na ulat mula sa Department of Justice, Armed Forces of the Philippines, at National Bureau of Investigation, gumamit ang mga suspek ng teknolohiya para magmanman sa ilang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites, mga planta ng kuryente, mga shopping mall, airport, seaport, ilang tanggapan ng lokal na pamahalaan sa Luzon at marami pang iba.

Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang mga kagamitan na ginamit umano sa pag-monitor ng iba’t ibang military base at EDCA sites.

“Kasi noong nahuli namin, tinanong namin kung lisensyadong surveyor ba siya, o nirerepresenta ba niya ang isang research institution, o galing ba siya sa isang pribadong kompanya, militar ba siya, o law enforcer, etc. So, wala siyang naipakitang permit, lisensya, o awtoridad. ‘Yun ang dahilan kung bakit namin siya kinuha,” wika ni Atty. Jeremy Lotoc, Chief, National Bureau of Investigation, Cybercrime Division Special Task Force.

Kinilala ng NBI ang Chinese national na si Deng Yuanqing, isang engineering specialist mula sa People’s Liberation Army, at ang dalawang Pilipino na sina Ronel Jojo Balundo Besa at Jayson Amado Fernandez.

Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na target ng mga suspek na ikutin ang buong bansa, ngunit sa kasalukuyan ay ang Luzon pa lang ang kanilang naaabot.

Malaki rin aniya ang posibilidad na naipamahagi na sa ibang kasabwat ang mga impormasyong nakalap sa bansa, ngunit hindi pa direktang itinuturo kung may kinalaman ang gobyerno ng Tsina sa insidente.

Sabi rin ni Director Santiago, real-time aniya ang pagpapadala ng mga nakalap na impormasyon sa Tsina.

“Real-time kinematics (RTK) and the Global Navigation Satellite System, kaya posible, na-transmit na nila, on real-time as soon as they got the information, transmitter kaagad,” wika ni Judge Jaime Santiago (Ret.), Director, National Bureau of Investigation.

Pinaigting na rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga operasyon ng intelligence laban sa mga aktibidad na pang-eespiya sa buong Pilipinas.

“Talagang lalo tayong naghigpit sa security, especially inside camp. Kaya mapapansin ninyo, ‘yung iba sa inyo kapag nag-a-attempt na pumasok sa kampo, mas strict na ngayon, ‘yung mga gwardiya natin,” ayon kay Gen. Romeo Brawner, Jr., Chief of Staff, Armed Forces of the Philippines.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble