2 Pinay na ginamit sa pagpuslit ng droga ng African syndicate sa Malaysia, nailigtas─NBI

2 Pinay na ginamit sa pagpuslit ng droga ng African syndicate sa Malaysia, nailigtas─NBI

IPINAHAYAG ng National Bureau of Investigation (NBI) na noong Enero 2025, nahuli nila ang isang Pilipinang ginagamit bilang drug mule.

Mula rito, nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang NBI-Drug Enforcement Division, na nagsiwalat ng isang malaking operasyon ng Drug Trafficking Syndicate (ADTS) na sangkot hindi lamang sa pagpupuslit ng droga kundi pati na rin sa human trafficking.

Target ng sindikato ang mga Pilipinong may problema sa pananalapi at marunong mag-Ingles, na inaakit gamit ang pangakong libreng paglalakbay sa Malaysia at Hong Kong, at dagdag na USD 5,000 kapalit ng pagdadala ng mga pakete.

Pinaniwala nila ang mga biktima na mga produktong Malaysian lamang ang laman ng mga pakete.

Nang makumpirma ang pagkakakilanlan ng dalawang Pilipinong nirekrut, nagpadala ang NBI, sa pamumuno ni NBI Director Judge Jaime B. Santiago (Ret.), ng isang team sa Malaysia.

Sa tulong ng Philippine Embassy sa Malaysia at ng Royal Malaysian Police (RMP)—Narcotics Crime Investigation Division (NCID), nailigtas ang dalawang Pilipino bago pa man sila makasama sa pagdadala ng droga patungong Hong Kong.

Sa pamamagitan ng diplomatic at law enforcement arrangements, naaresto ng mga awtoridad sa Malaysia ang ilang miyembro ng ADTS at nakumpiska ang 2.3kg ng Cocaine na nagkakahalaga ng mahigit P15-M.

Ang plastik na pakete na naglalaman ng cocaine ay natatakpan ng kayumangging bagay at nakabalot sa itim na carbon paper upang maiwasan na matuklasan.

Ang dalawang Pilipinong nailigtas ay nakauwi na sa Pilipinas ngayong Pebrero.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng NBI upang matunton ang mga miyembro ng ADTS na nasa Pilipinas at ang mga Pilipinong recruiter na sangkot sa operasyon.

Sabi rin ng NBI ang ADTS ay may mga operasyon din sa Brazil, Thailand, at South America, at inililipat ang kanilang mga operasyon kung may mga naaresto sa isang lugar.

Ang pag-aresto sa airport ang dahilan ng paglipat ng kanilang operasyon sa Malaysia.

Samantala, kinumpirma naman ni NBI Director Jaime Santiago na walang pananagutan sa batas ang dalawang Pinay na nailigtas bilang drug mule at sa halip, sumasailalim na sila sa counselling.

“Actually, sinave natin sila from being implicated doon sa Malaysia, siyempre hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa kaya ayaw natin magkaroon ng another case where is ang filipina ang victimized by this african drug syndicate,” saad ni Judge Jaime Santiago (Ret), Director, NBI.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble