NASAGIP ng Philippine Navy ang 2 Pinoy at 2 Malaysian national, matapos lumubog ang speedboat na kanilang sinasakyan papuntang Tawi-Tawi sa Bongao Island malapit sa sea border ng Sabah East coast sa Sandakan district.
Kinilala ni Lt. Chester Ross A. Cabaltera, tagapagsalita ng Naval Forces Western Mindanao, ang mga nasagip na sina Hassan Bin Sayadi, 59, at Majid Bin Ajahun, 46, mga Malaysian nationals, at ang mga Pinoy na sina Jerry Erni, 35, at Solar de Leon, 40 .
Ayon sa ulat, lulan ang mga biktima ng kanilang speedboat mula Sabah patungong Bonggao, Sulu nang maganap ang insidente dakong 6:00 p.m. nitong Oktubre 7.
Hinampas ito ng malalakas na alon, dahilan upang lumubog ang speedboat na kanilang sinasakyan at naiwang palutang-lutang ang apat na pasahero sa loob ng halos 15 oras bago sila nasagip ng mga tauhan ng Naval Task Force 61, 3rd boat attack division.
Ayon sa Philippine Navy, ang apat na nailigtas ay dinala sa Lamion wharf sa Bongao at iniabot sa Fleet medical team ng Naval Task Group Tawi-Tawi para sa wastong medikal na atensyon.
Sinabi naman ni NFWM Commander rear admiral Toribio, ang naturang pagsasalba ay naisagawa matapos silang maalerto ng isang commercial vessel, nagpaabot naman ng pasasalamat ang apat na nailigtas ng Philippine Navy.
Gayunpaman, hindi pa nasabi ng Philippine Navy kung ang dalawang naisalbang Malaysian national ay nakalabas na mula sa pangangalagang medikal at pinayagan nang makabalik ng Sabah.