ARESTADO ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang dalawang pulis at isang sibilyan makaraang ireklamo ng umano’y pangongotong sa Bacoor, Cavite.
Kinilala ni Philippine National Police (PNP) chief PGen. Benjamin Acorda, Jr., ang mga nahuli na sina Police Senior Master Sergeant Joselito Bugay, Police Staff Sergeant Dave Gregor Bautista, at John Louie de Leon.
Ayon kay Acorda, nahuli ang mga suspek kasunod ng ikinasang operasyon sa isang gasoline station sa Molino Road corner Molino Boulevard sa Brgy. Molino.
Nag-ugat ang operasyon laban sa mga suspek matapos ireklamo ng umano’y pangongolekta ng P1.5-M kada buwan sa mga operator at driver ng tricycle sa Bacoor.
Ang nasabing halaga ay nagsisilbi umanong protection money upang hindi mahuli ang mga tricycle.
Pinaghahanap naman si Edralin Gawaran na pinuno ng Bacoor Traffic Management Department.
Dinala na ang mga suspek sa CIDG Southern Metro Manila District Field Unit Office para sa documentation at proper disposition.