ITINUTURING na welcome development para sa Philippine National Police (PNP) ang kusang pagsuko ng dalawa mula sa tatlong pulis na nadismiss dahil sa pagkakasangkot sa pagkawala ng ilang sabungero sa Southern Luzon.
2:45 pm Enero 19, nang namataan si Patrolman Rigel Brosas, walang kasama at kusang isinuko ang kanyang sarili sa tanggapan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG).
7:50 pm ng kaparehong petsa nang isa pang pulis ang kusang sumuko sa PNP-IMEG at kinilala itong si Police Senior Sgt. Daryl Paghangaan.
Ang dalawa ang parehong na-dismiss sa trabaho dahil sa pagkakasangkot sa pagdukot sa isang e-sabong master agent na si Ricardo Lasco sa tahanan nito sa Laguna noong Agosto 2021.
Ang dalawa ay kabilang sa tatlong pulis na may warrant of arrest na inisyu ni Luvida Padolina Roque, presiding judge ng Regional Trial Court (RTC)-Branch 29 sa San Pablo City, Laguna noong Enero 17, 2023 kaugnay ng kasong kidnapping, serious illegal detention at robbery with violence.
Nahaharap din sa multa ang dalawa na nagkakahalaga ng 400k sa bawat kasong kinakaharap nito.
Sa kanyang press briefing sa Kampo Krame araw ng Lunes, ikinatuwa ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang development ng kaso para sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa sunud-sunod na pagkawala ng mga sabungero noong nakaraang taon.
Umaasa ang heneral na mapapabilis pa ang paghahanap ng hustisya ng mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay lalo na’t hanggang ngayon umaasa pa rin sila na buhay pa rin ang mga ito.
Sa kabilang banda, bukas ang PNP na isailalim sa witness protection program ang mga sumukong pulis matapos ang mga ito ay makipagtulungan sa PNP lalo na sa pagbibigay ng mahahalagang impormasyon sa kaso.
Sa ngayon, hustisya pa rin ang nananatiling sigaw ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungero kasabay ng dasal na lahat ng mga ito ay nananatiling buhay at isang araw babalik sa kanilang piling para sa isang panibagong buhay.