SINUSPINDE na ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang safety certificate ng water taxi na HOP & GO 1 at ang pampasaherong ferry na MV Ocean Jet 6 matapos ang banggaan ng mga ito sa bisinidad ng Verde Island, Batangas nitong Miyerkules ng hapon Enero 31, 2024.
Sa nangyaring insidente, nasawi ang kapitan ng Hop & Go 1 at isa pang crew habang nagtamo naman ng minor injuries ang ilang pasahero at crew.
Patungo na sana sa Calapan ang Ocean Jet 6 mula sa Batangas at kasalubong nito ang Hop & Go 1 na patungo naman sa Batangas mula sa Puerto Gallera nang maganap ang insidente.
Ang Hop & Go 1 ay may sakay na isang Pilipino crew at limang dayuhang pasahero. Habang mayroon namang 115 pasahero at 19 crew members ang Ocean Jet 6.
Ayon sa MARINA, isasailalim sa safety inspection ang dalawang saksayang pandagat para matukoy kung ligtas pa ba silang maglayag.
“Our MARINA Regional Office in Batangas City has already issued suspension of the Recreational Safety Certificate (RBSC) of MB “HOP & GO 1” and the Passenger Ship Safety Certificate (PSSC) of “MV Ocean Jet 6,” ayon sa MARINA.
PCG, iniimbestigahan pa kung may dapat makasuhan sa banggaan ng dalawang sasakyang pandagat sa Batangas
Tinitingnan naman ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lahat ng anggulo sa maaaring naging sanhi ng banggaan.
Ayon kay PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, isa sa kanilang tinitingnan ay ang lagay ng panahon ng mangyari ang insidente.
Magdedepende naman aniya sa resulta ng kanilang imbestigasyon kung may dapat kasuhan sa nangyaring banggaan.