NAGHAIN ng isa na namang kapaki-pakinabang na panukalang batas si Senator Ramon Bong Revilla Jr. na naglalayong bigyan ng 20 porsiyentong diskuwento ang bawat mahirap na Pilipino para sa kaukulang dokumento na kakailanganin sa kanilang pag-aapply ng trabaho.
Ito ang Republic Act No. 11261 o ang ‘First Time Jobseekers Assistance Act’ na magiging armas ng bawat mahihirap na mamamayan para mapagaan ang kanilang mga gastusin sa pag-aapply ng trabaho na isa sa dahilan kaya tumataas ang bilang ng walang trabaho.
Ayon kay Revilla, lahat ng kumpanya maging pribado man o pampubliko ay nangangailangan ng legal na dokumento na kailangang isumite ng mga aplikante mula sa mga ahensiya ng pamahalaan at lahat ito ay may kaukulang bayad.
Kung magiging isang ganap na batas ay mababawasan ng 20% diskuwento ang lahat ng babayaran ng isang mahirap na aplikante sa Barangay Clearance, NBI Clearance, PNP Clearance, Medical Certificate para sa local employment mula sa kahit anong government hospital na nasa pamamahala ng Department of Health (DOH).
Kabilang din ang PSA Marriage Certificate, PSA Certificate of Live Birth, Transcript of Records, Diploma, Certificate of Good Moral Character mula sa eskuwela, CSC Certificate ng Civil Service Eligibility, National Certificate at Certificate of Competency na iniisyu ng TESDA at iba pang dokumento na iniisyu ng pamahalaan na kailangan sa paghahanap ng trabaho.
Kailangan lamang umano na magdala ng patotoo mula sa social welfare ng lokal na pamahalaan o opisyal ng barangay ang isang aplikante na isa itong mahirap at ang mga kaanib ng ‘Pantawid Pamilyang Pilipino Program’ ay awtomatikong kuwalipikado na sa panukalang ito.
“Tayo na mismo ang tumulong na magbukas ng pintuan sa mga Pilipinong nagnanais na magkaroon ng disenteng trabaho. Huwag na natin silang pahirapan, bagkus ay siguraduhin nating pagaanin ang mga gastusin at pasanin nila,” paliwanag pa ni Revilla.