NAKAHANDA na ang Senado para sa pagbabalik session ng 19th Congress.
Simula ngayong araw ay inaasahan na magiging matao na muli ang Senado matapos ang halos dalawang buwan na session break.
Ito ay matapos maglabas ng abiso ang pamunuan nito na balik opisina na ang lahat ng mga opisyal at empleyado ng Mataas na Kapulungan.
Ngayong araw kasi, Hulyo 24, ay magco-convene ang Senado para sa unang araw ng pagbabalik ng session ng 19th Congress.
Bago ang pagbabalik session mamayang alas dyes ng umaga ay una nang inanunsiyo kamakailan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang 20 priority bills na target ipasa ng Senado bago matapos ang buwan ng Disyembre ngayong taon.
“We have commitment kasama ko po si Senator Villanueva at nagbigay kami ng commitment on 20 bills na gagawing batas by December 2023 bago tayo mag-December break. Pinangako namin by December maipasa namin ito. Of course, there are several pet bills of senators na itutulak namin,” ayon kay Sen. Juan Miguel Zubiri Senate President.
Bukod sa mga mahahalagang panukalang batas, sinabi ni Zubiri na isusulong ng Senado na taasan ang sahod ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagsasabatas ng wage hike.
Target ng Senado na ipasa ang panukalang Public-Private Partnership Act na mag-aamyenda sa Republic Act (RA) 6957 o ang “Build-Operate-Transfer” Law; pagbuo ng National Disease Prevention Management Authority; ang panukalang Internet Transactions Act; pagbuo ng Medical Reserve Corps at ng Virology Institute of the Philippines; ang pagbabalik ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps Program; at ang panukalang revitalizing the Philippines’ salt industry
Tututukan din ng Senado ang pagpasa ng mga panukala na nagpapabilis ng mga transaksiyon sa gobyerno.
Kabilang dito ang panukalang Real Property Valuation and Assessment Reform Act; ang panukalang E-Governance at E-Government Act; Ease of Paying Taxes Act; National Government Rightsizing Act; Automatic Income Classification of Local Government Units; at ang mga panukalang nagbiobigay ng Unified System for Separation, Retirement and Pension of Military and Uniformed Services; at ang New Philippine Passport Law.
Malapit na ring maipasa sa Senado ang Waste-to-Energy Act; Magna Carta of Filipino Seafarers; ang panukalang “Trabaho Para Sa Bayan” Act; maging ang Anti-Financial Scamming Act, at ang panukalang pag-amyenda sa Bank Secrecy Law.
Naka schedule naman na isalang sa third and final reading ang Philippine Defense Industry Development Act, the Cybersecurity Act, and amendments to the procurement provisions of the Armed Forces of the Philippines Modernization Act.
Sa pag-convene ng Senado mamaya ay inaasahan na magpapasa ito ng resolusyon para sa isang joint session kasama ang kamara mamayang alas dos ng hapon, na agad naman na susundan ng kanilang pagdalo sa State of the Nation Address ng pangulo pagdating ng alas kwatro.