NAGKAROON ng pulong sa Malakanyang kung saan napag-usapan ang mga plano sa pagtatatag ng Maximum Security Facility na lilipatan ng mga inmate na sangkot sa ilegal na droga.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla Jr., tinatayang nasa 200 high value detainees sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ang malapit nang ilipat sa Maximum Security Facility.
“They are taking proactive steps para alisin na iyong mga high-value detainees sa loob ng Muntinlupa and setting up a Maximum-Security Facility somewhere in the Philippines. I think the operations will start pretty soon and we should see a marked difference in the war against drugs here in the Philippines,” saad ni Sec. Jonvic Remulla, DILG.
Sinabi ng kalihim na ang isang pangunahing layunin ng naturang plano ay upang lansagin ang komunikasyon sa kalakalan ng droga.
Sa mga nakaraang paglilinis sa loob ng NBP, nakumpiska ng mga awtoridad ang mga cellphone at ilegal na droga sa kabila ng mga naunang raid.
Saad ni Remulla, iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang pinagmulan ng droga sa loob ng NBP.
“After isi-sweep nila, after two weeks lahat may telepono na naman so evidently there’s something wrong within the system and changing personnel is not the answer. You have to change the location, change their availability, change their accessibility para iyong communication to with the outside world is curtailed,” dagdag ni Remulla.
Nagpatawag ng pulong ang Malakanyang kamakailan kasama ang DILG, Department of Justice (DOJ), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Philippine National Police (PNP) upang palakasin daw ang pakikipagtulungan sa paglaban ng administrasyon sa ipinagbabawal na narcotics.
Dahil sa seguridad, tumanggi si Secretary Remulla na magbigay ng detalye tungkol sa lokasyon ng pasilidad.