LIBU-libong mahihirap na Pilipino ang pinasaya ng Office of the Vice President (OVP) sa bahagi ng Quezon City, umaga ng Lunes.
Kasunod ito ng isinagawang serye ng gift-giving para sa mga nasa marginalized sector kabilang na ang mga tricycle at delivery rider.
Nasa kabuuang 2,500 TODA drivers at mga TNVS at delivery riders ang tumanggap ng gift packs na naglalaman ng iba’t ibang Noche Buena items mula kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Director for Operations, Norman Baloro na ang nasabing aktibidad ay bahagi ng ika-88 anibersayo ng OVP nitong Nobyembre 15.
Sa paraang ito ay matutulungan kahit papaano ang mga underprivileged citizens na may mapahanda ngayong Pasko.
“Ginagawa natin ito of course dahil alam natin ‘yung sakripisyo ng bawat sector na ito, panahon naman po ng inflation na nangyayari ngayon. I think they deserved also a help from the government especially the national government agencies,” ayon kay Norman Baloro, Director for Operations, OVP.
Dagdag pa nito, mas pinalawak ngayong taon ng OVP ang pamamahagi ng gift packs sa vulnerable sector sa tulong ng 10 satellite offices nito.
Mula kasi sa 25,000 benepisyaryo noong nakaraang taon, inaasahang aabot sa 200,000 na pawang mga nasa marginalized sector ang makikinabang sa distribusyon ng gift packs ngayong 2023.
“Identified po natin ang mga sector na marginalized, kasama na rito ang mga persons deprived of liberty, ang ating mga out of school youth, senior citizens, solo parents, and even ‘yung ating mga transport sector,” dagdag ni Baloro.
“Napuntahan na po natin ang Panay and Negros Islands, napuntahan na rin po natin ang Pangasinan Satellite Office, napuntahan natin ang Bicol Satellite Office. We will proceed to the other satellite offices, namely we have Davao, we have BARMM, we also have in CARAGA Satellite Office and even we also have in Cebu that would be in December 8,” wika ni Baloro.
Aminado naman ang punong barangay ng Brgy. Batasan Hills sa naturang lungsod na hindi sapat ang kanilang nabibigay na tulong sa mga nabanggit na sektor.
Kung kaya’t, malaki aniya ang ambag ng OVP sa mga nasasakupan nito.
“Ang BATODA po ay malaking pasalamat dahil nabibigyan ng pagkakataon ng ating mahal na Vice President ‘yung mga TODA sa hanay ng tatlong gulong kaya ang pamilya ay masayang-masaya po,” ayon kay Jojo Abas, Brgy. Captain, Batasan Hills, QC.
Ilan sa mga nakatanggap ng NV gift packs NV OVP ang nagpahayag ng pasasalamat dahil makakamenos na ito sa kanilang gastusin na panghanda sa Noche Buena.
“Nagpapasalamat kami kay Inday Sara Duterte, kay Vice President dahil sa ibinigay niyang tulong. Malaking bagay po sa amin ito lalong-lalo na sa pang araw-araw namin kahit papaano ay nabigyan kami,” ayon kay Roberto Mirafuentes, President, BATODA.
“Maraming-maraming salamat po lalo na po kay Vice President, alam naming mapagmahal siyang tao kaya laging nasa puso niya ang mamamayan katulad sa amin bilang isang rider at sa mga dumalo, taos puso kaming nagpapasalamat,” ayon kay Melchor, Delivery Rider.