2023 budget ng NTF-ELCAC, binawasan

2023 budget ng NTF-ELCAC, binawasan

KINAPON ang 2023 proposed budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ganito inilarawan ng isang dating kadre ng CPP-NPA-NDF ang budget cut para sa task force ng pamahalaan laban sa problema ng bansa sa insurhensya.

Nais ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na bigyan ng P10-B ang Support to the Barangay Development Program (SBDP) ng NTF-ELCAC.

Ito’y para ipaabot ang iba’t ibang programa ng pamahalaan sa mga liblib na barangay o mga lugar na dating pugad ng New Peoples Army.

Pero sa pagsisimula ng bicameral conference committee meeting ng Senado at Kamara ngayong Biyernes, November 25, para sa 2023 proposed national budget, ay may tapyas na ang P10 billion.

”Well, alam naman natin no na ang original proposal ng Executive branch diyan ay P10-Billion. Ngayon, pagdating sa House tinapyasan nila ng kalahati. [House ang nagtapyas?] Oo tinapyas nila ng kalahati from ten naging five,’’ ayon kay Sen. Bato dela Rosa.

Dahil ang Kamara ang nagbawas, sila naman sa Senado ay ipinipilit ang dagdag.

Kasama si Senador Robin Padilla, ipinakiusap daw ni Sen. Dela Rosa kay Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara na dagdagan ito ng P2-B.

‘’Ngayon nag-eeffort kami ni Senator Robin Padilla, kinausap namin yung chairman namin sa finance committee na kung pwede madagdagan ng P1 (billion) amendment ni Senator Padilla, tapos P1 (billion) galing sa akin so pumayag naman yung finance committee,’’ saad ni Sen. Bato.

Pero ayon kay Sen. Bato, in principle pa lamang ang P7-B budget hangga’t hindi pa napipirmahan ang bicam report.

Kaya para sa mga tumutulong sa NTF-ELCAC sa laban ng pamahalaan kontra CPP-NPA-NDF, ang pagkapon sa pondo ng SBDP ay may masamang epekto.

‘’Maliit na nga, kinapon pa. So walang hustisya yan at katarungan para sa mga mamamayang Pilipino,’’ ayon kay Ka Eric Celiz.

Giit ni Celiz, malaki ang ambag ng pera ng BDP para ipaabot ang good governance sa mga suok na lugar ng bansa.

Dito kasi huhugutin ang pondo para sa electrification, pagtatayo ng mga kalsada, tulay, patubig, classroom at livelihood programs sa mga dating NPA infested area.

Kaya sana raw ay huwag ipagkait ang pondo.

‘’Congress both Senate and the Lower House must be reminded na hindi nila pondo yan. Pondo ng taumbayan yan. At yan ay para sa mga malalayo at lugar na nahihirapan dahil sa gapos ng terorismo ng CPP-NPA-NDF,’’ paliwanag ni Ka Eric.

Para naman sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), ang ancestral domain ang number 1 na maaapektuhan kung matutuloy ang tapyas.

Budget cut sa Barangay Development Program ng NTF-ELCAC, may malaking epekto sa mga ancestral domain.

‘’Ang unang maaapektuhan nito ay ang mga ancestral domain. Kasi yung unang pondo noon ng Barangay Development Program, nagbenefit nito ang almost 300 plus barangays na mayroong mga ancestral domains,’’ ayon kay NCIP Chairman Capuyan.

Umaasa rin si Capuyan na mababago pa ang kapalaran ng SBDP budget para sa kapakanan ng mga komunidad na umaasa sa pondong ito ng gobyerno.

‘’At the end of the day, it is the Filipino people that we are serving. It is those in the countryside na nandoon sa insurgency problem. Sana may chance pa na magbago ang kanilang isip,’’ saad nito.

Ngayong bawas na ang pondo ng NTF-ELCAC, may pag-asa pa ba kaya na ito’y madagdagan?

‘’Huwag silang mawalan ng pag-asa. Nandiyan pa rin. Hindi naman totally zinero ano? Mayroon pa rin at P7-Billion yan at hopefully makakarating yan sa inyo thru Barangay Development Program,’’ paliwanag ni Sen. Bato.

May isang linggo pa ang Senado at Kamara para isapinal ang disagreeing provisions ng 2023 proposed budget para dagdagan pa ang pondo ng NTF-ELCAC sa susunod na taon.

Follow SMNI NEWS in Twitter