2023 OFW Family Day ng OWWA, napuno ng saya

2023 OFW Family Day ng OWWA, napuno ng saya

TAWANAN buong araw ang mga OFW at family dependents sa OFW Family Day ng OWWA ngayong taon.

Ikaw ba naman, buong araw na nagpa-raffle at nagpa-games kasama ang ilang celebrity bilang pamasko sa kanilang mga miyembro.

Dahil diyan, ang SMX Convention Center sa Pasay, halos mapuno sa dami ng mga nakisaya.

“Happy Grand OFW Day mga Kabayan!” pagbati ni Arnell Ignacio, OWWA Administrator.

Si Marilyn, dumayo pa mula Parañaque para sa OFW Family Day.

Katunayan, madaling araw pa sila pumila para makapasok.

Jackpot naman aniya dahil nakamayan nila nang personal si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. bilang panauhing pandangal sa event.

“Masaya po masaya. At saka ano siya, ang programa ni Pangulong Bongbong ano siya, makatutulong talaga sa OWWA,” ayon kay Marilyn Eligoyo, OFW Family Dependent ng OWWA.

Si Aleng Esther, 15 years nang sumasali sa event ng OWWA.

Pero iba aniya ngayong taon dahil present si President BBM.

“Okay naman, nakatutulong sa mga katulad naming family. Mga pamilya ng OFW,” wika ni Esther Arbas, OFW Family Dependent ng OWWA.

Ayon kay Admin Arnell Ignacio, sinadya nila na palakihin ang event bilang pambawi sa maraming hamon na kinaharap ng kanilang members at dependents ngayong taon.

“Dito po natin makikita na kayong mga OFWs at inyong mga pamilya ay nasa puso ng administrasyong ito,” dagdag ni Ignacio.

Ngayong taon, tinaasan pa ng OWWA ang scholarship sa mga kabataang Pilipino.

Ito ay doble ng kabuuang 2,500 na slot na kanilang binuksan sa mga nakalipas na taon.

P20,000 per year ang matatanggap kada iskolar sa ilalim ng OWWA Development Scholarship Program.

Habang P5,000-P10,000 naman sa mga estudyanteng sakop ng Educational Livelihood Assistance Program.

Bukod pa ito sa tulong at mga pa-ayuda ng OFW sa bawat pinauuwing OFW.

Ngayong panahon ng Pasko, aginaldo at carolling sa NAIA Terminal ang pang-welcome ng OWWA sa mga umuuwi nating kababayan.

Prayoridad sa programang ito ang distressed OFWs.

Bago matapos ang taon, pinasalamatan sa event si Pangulong Marcos Jr.

Sa mga programang alay nito sa mga kababayang nangibang bayan at mga naiwang pamilya.

Pres. Bongbong Marcos, pinasalamatan sa OFW Family Day

“Mahal na Pangulo, maraming-maraming salamat sa iyong pagmamahal para sa ating OFWs at sa kanilang pamilya,” ayon pa kay Ignacio.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble