2024 SOCA ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez, sumentro sa kaniyang unliserbisyong programa

2024 SOCA ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez, sumentro sa kaniyang unliserbisyong programa

MATAGUMPAY na naisagawa ang 2024 State of the City Address (SOCA) ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez kung saan dinaluhan ito ng minority councilors, young officials at iba’t-ibang sektor ng lungsod kamakailan.

Highlights sa SOCA ng alkalde ang pagmamahal nito sa mga Dagupeño.

Saad ni Mayor Fernandez, wala na siyang nakikitang iba na mas masipag tulad ng isang Dagupeño kaya naman aniya, nararapat lamang na suportahan ang mga ito sa kabila ng hamon ng kaniyang administrasyon at pagpapatagal at paghadlang ng majority 7 Councilors sa kaniyang mga programa tulad na lamang ng pagpapatagal sa pagpasa ng mga annual at supplemental budget.

“Believe me, they have beautiful dreams for their families and children but almost always they speak of hard times, times of pain, suffering and fear. Wala akong nakilala pa na mas masipag, mas masugid at walang kapaguran sa paglilingkod kundi ang isang Dagupeño,” saad ni Mayor Belen Fernandez, Dagupan City, Pangasinan.

Sa isang audio visual presentation (AVP), ay ipinasilip ng alkalde ang pag-walk out at paghadlang ng majority 7 sa programa nito.

Inilahad rin ng alkalde ang programa nito sa pagtaas ng allowance ng mga barangay nutrition scholars, emergency workers at job order employees.

“Itinaas natin ang sahod ng job order employees mula P9,000 to P12,000 at sa 2025 ay magiging P14,000. Itinaas natin ang allowance ng Barangay Health workers mula 1,900 to 5,900 at sa 2025, ito ay magiging P6,900,” ani Mayora.

Kasama sa isinusulong ni Mayor Fernandez ang road elevation para iwas baha, pagpapatayo ng mga school building, pagtulong sa mga solo parents, senior citizens, at mga scholar ng bayan, mangingisda at marami pang iba.

Kung kaya’t nais ng Mayora na gawing P1.5-B ang budget ng Dagupan sa taong 2025.

Isa rin sa tatak Mayor Belen ang unliserbisyo program kung saan ang pamamahagi ng ayuda sa mga nangangailangan kasama na ang home service at site inspection.

Hindi rin kinalimutan ng mayora na idiin ang kaniyang patuloy na suporta sa Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), at marami pang ahensiya ng gobyerno.

Patuloy ring isusulong ni Mayor Belen ang programa sa kalusugan at ganoon din ang pagkakaroon ng mother and child hospital na aniya hanggang ngayon ay hindi pa naipapasa sa Sangguniang Bayan.

Ang mother and child ay meron ng pondo mula sa Department of Health (DOH) at may lupa na pagtatayuan na dinonate ng kapatid ng mayora ngunit saad ng mayora hindi pa rin ito inaprubahan ng majority ng mga konsehal ngunit hindi siya susuko.

“Well babalik na po ‘yan sa National, sa general fund. So, ang ibig sabihin noon kung ilang libong nanay na mahihirap na makaka-avail ng libreng panganganak ay mawawalan na ng pag-asa. 31 barangay captains supported the Mother and Child Hospital. Pito lang ho sila, doon sa pito, may nanay, ilang nanay ang nandoon, may mga tatay, hindi pa rin nila maintindihan ang importansya ng isang mahirap na nanay. Baka kaaway nila ang nanay nila kaya wala silang love for their mother,” saad nito.

Pagdating naman sa ekonomiya, susuportahan ng mayora ang paglago ng bangus production ng bayan at pipigilan ang pagtitinda ng tangok na bangus sa palengke na aniya ay mapanganib sa kalusugan.

Ipinaliwanag din ng alkalde ang pamagat ng 2024 city address na Unaen Su Balay dahil para sa kaniya dapat prayoridad ang Dagupan City bago ang iba.

Umaasa si Mayor Fernandez na ang susunod na mga konsehal ng lungsod ay susuporta sa kaniyang mga programa at hindi katulad ngayon na nahihirapan aniya siya sa pagpapatupad ng kaniyang programa dahil sa matagal na pag-apruba ng mga ito.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter