ANG Miru Systems Company Limited na naka-base sa South Korea ang nag isang bidder ngayon ng Commission on Elections (COMELEC) para sa 2025 Midterm Elections.
Batay sa Website ng kompanya, ilang bansa na ang kumontrata sa kanila bilang technology provider sa mga nagdaang eleksyon, kabilang ang Kyrgyzstan, Russia, Iraq, at Democratic Republic of Congo.
Sa kabila ayon sa tagapagsalita ng COMELEC na si Atty. Rex Laudiangco, wala pang katiyakan na maigagawad agad sa Miru Systems ang kontrata kahit sila lang ang naghain ng bid dahil kailangan pang masuri ang mga isinumiteng dokumento para malaman kung kuwalipikado ito.
Posible aniyang abutin lang ng dalawang araw ang pagsuri ng Special Bids and Awards Committee sa bid ng kompanya para malaman kung eligible sila bilang technology provider.
“Ayon sa COMELEC, aabot sa P18-B ang aprubadong kontrata ng COMELEC para sa technology provider ng voting at canvassing, at hardware at software na gagamitin sa 2025 automated elections. Hiwalay pa ito sa igagawad na kontrata para sa internet at transmission,” ayon kay Atty Rex Laudiangco, Spokesperson, COMELEC.
Samantala, kinumpirma ni COMELEC Spokesperson John Rex Laudiangco na sinubukang magsumite ng bid ng na-disqualify na Smartmatic pero dahil wala pang inilalabas na Temporary Restraining Order ang Korte Supreme ay hindi muna nila ito tinanggap.
Magugunitang dinisqualify at pinatawan ng ban ng COMELEC para sa mga susunod na halalan ang Smartmatic kaugnay ng kaso ng umano’y panunuhol nito at ilang dating opisyal ng COMELEC.