MAKATATANGGAP ng ayuda ng tig-P1,000 ang 22.9 milyon na indibidwal sa National Capital Region (NCR) Plus.
Ito’y matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang P22.9 bilyong emergency subsidy para sa mga apektadong indibidwal ng enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus.
Kinumpirma ni Senator Christopher “Bong” Go ang paglagda kung saan kabilang sa mabibiyayaan ang mga indibidwal sa Metro Manila, Rizal, Bulacan, Cavite at Laguna.
Samantala, limitado ang nasabing subsidya sa apat na miyembro ng pamilya.
LGUs na may isyu sa pamimigay ng cash subsidy, mahigpit na babantayan
Samantala, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mahigpit nitong babantayan ngayon sa pamamahagi ng cash sa NCR Plus ang mga local government units (LGUs) na nagkaroon ng isyu tungkol sa distribusyon ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, bagaman naiparating naman sa lahat ang unang tranche ng SAP, nagkaroon naman ng problema sa ilang LGUs.
Kaya naman aniya ay mahigpit nilang babantayan ang mga LGU na nagkaroon ng problema sa pamamahagi ng unang tranche ng tulong pinansyal upang hindi na maulit ang delay sa pamamahagi ng SAP sa mga residente nito.
Inaprubahan ni Pangulong Rorigo Duterte ang assistance program na magbibigay tulong pinansyal sa nasa 22.9 milyong benepisyaryo sa Metro Manila at mga kalapit na probinsiya sa kalagitnaan ng pagpatutupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
(BASAHIN: NCR Plus residents, makatatanggap ng ayuda mula sa gobyerno —Malacañang)