224 na dating miyembro ng Kadamay at Bayan Muna sa SJDM, Bulacan, nagbalik-loob sa gobyerno

UMABOT sa 224 na dating miyembro ng Kadamay at Bayan Muna sa San Jose Del Monte Bulacan ang nagbalik-loob sa gobyerno.

Ayon kay Major Carl Sanchez, company commander ng 301st company, kabilang sa mga sumuko ay isang dating rebelde, apat na kadre ng partido, isang kandidatong kasapi ng partido at tatlong organizer ng white area.

Upang maipatupad ang social distancing, hinati sa dalawa ang grupo kung saan 100 ang inilagay sa covered court habang 124 naman ang nasa Muzon Eco Park.

Karamihan sa mga miyembro ng Kadamay ay ang mga nanghihimasok noon sa mga pabahay ng gobyerno sa Pandi, Bulacan.

224 dating miyembro ng Kadamay at Bayan Muna, nagbalik-loob sa pamahalaan
Si Ka Amor ng Kadamay, pinangakuan ng magandang buhay ngunit hindi ito natupad at sa halip ay ginagamit sila sa mga kilos-protesta ng grupo laban sa gobyerno.

Ayon kay Ka Amor ng Kadamay, pinangakuan sila ng Kadamay ng magandang buhay.

Pero aniya ay hindi naman natupad ang mga pangako tulad ng pagkakaroon ng sariling yunit sa mga pabahay sa Pandi, Bulacan.

Sa halip, nagagamit  lang sila sa kilos protesta at iba pang aktibidad ng Kadamay at Bayan Muna kontra sa gobyerno.

Habang si Ka Jenny naman ng Bayan Muna, huli na nang mabatid nito na ginagamit lang sila at ng kanyang pamilya at mga kasamahan nito upang maging front sa mga pag-aalsa laban sa gobyerno.

(BASAHIN: Bayan Muna Representative Cullamat, idinepensa ang namatay na anak na miyembro ng NPA)

Nanawagan ang mga ito sa kanilang ibang mga kasamahan na magbalik loob na rin sa gobyerno.

Ayon kay Police Lt. Col. Fitz Macariola, acting force commander ng Regional Mobile Force, Battalion 3, target nilang ikutin ang iba pang bayan at lungsod ng lalawigan ng Bulacan para himukin ang mga miyembro ng rebeldeng komunistang teroristang grupo na magsibalik sa pamahalaan.

Sa huli, nagpasalamat sila kay Pangulong  Rodrigo Roa Duterte sa mga ipinagkaloob na mga financial at livelihood programs para sa kanilang pagsisimula ng bagong buhay.

Nilinaw din ng mga ito na hindi sila pinilit na magbalik-loob sa pamahalaan kundi nagising sila sa katotohanan.

SMNI NEWS