NASA 23 milyong indibidwal ang inaasahang boboto para sa Sangguniang Kabataan (SK) sa Disyembre 5.
Ito ang inihayag ni COMELEC acting Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco sa Laging Handa public briefing.
Ayon kay Laudiangco, ang mga botante na edad 15-17 anyos ay makatatanggap lamang ng balota para sa SK elections habang ang mga may edad 18-30 anyos ay makakakuha ng dalawang balota para sa SK at barangay elections.
Samantala, ang mga botante na edad 31-anyos pataas ay makakakuha lamang ng balota para sa barangay election.
Bukod naman sa 65 milyong registered voters noong May 9 elections, inaasahan ng COMELEC na madadagdagan pa ito ng 300,000-400,000 voters.
Nananawagan naman ang COMELEC sa mga first time voters at iba pa na samantalahin nang maaga ang ilang araw na voter registration at huwag nang hintayin pa ang last minute.
Kaugnay nito ay ikinatuwa ng ahensiya at ipinagmalaking nakapagtala sila ng mataas na turn-out ng mga nagparehistro sa unang araw ng voter registration nitong Lunes.