DINALUHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang ika-23 International Cable Congress at Exhibit ng Federation of International Cable TV and Telecommunications Association of the Philippines (FICTAP) sa The Manila Hotel sa lungsod ng Maynila nitong Biyernes, Marso 3, 2023.
Ito ay may temang “Sustaining the Gains of the Cable TV and Internet/WIFI Providers Beyond the Pandemic Era.”
Nasa event din sina House Speaker Martin Romualdez at FICTAP National Chairman Estrellita Juliano-Tamano.
Nagtipon sa naturang annual event ang mahigit 300 aktibong cable at Wi-Fi providers, strategic partner/suppliers mula sa China at Hong Kong, pati na rin ang mga strategic stakeholder mula sa mga nangungunang broadcast industry players sa bansa.
Layon nito na talakayin at ipakita ang mga inobasyon sa larangan ng digital na teknolohiya.
Ang FICTAP ay nagsisilbing national umbrella organization kasama ang mga miyembro nito na binubuo ng small and medium cable enterprises.
Itinataguyod ng FICTAP ang pagpapalawak mula sa paghahatid ng traditional cable TV tungo sa telecommunications at value-added services.
Kahalagahan ng serbisyo ng mahigit 300 cable at Wi-Fi providers sa bansa, kinilala ni PBBM
Samantala, kinilala ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng serbisyo ng mahigit 300 cable at Wi-Fi providers sa bansa.
Partikular aniya sa pagsasakatuparan ng mga programa ng pamahalaan para sa digitalization.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang importansiya ng kontribusyon ng internet bilang daan para harapin ang mga hamon ng COVID-19 pandemic partikular sa pagkain, pangkalusugan at kalakalan na nakatulong sa ekonomiya ng bansa.
“This crucial role of your industry was highlighted and shown in its true importance during the recent COVID-19 pandemic, when you provided hope to many of your fellow Filipinos that utilized your… services and facilities,” saad ni Pangulong Marcos.
Hinikayat din ni Pangulong Marcos sa pangunguna ng FICTAP ang pakikipagtulungan sa gobyerno ng mga kasapi nito para bumuo ng mga bagong inisyatibo kasabay ng mabilis na pagbabago sa digital technology.
“I ask you to closely collaborate with the government in pursuing initiatives for the digitization of our services, the expansion of our MSMEs, and the establishment of information and communications technologies in remote areas in the country,” dagdag ng Pangulo.
Sa kabilang banda, inihayag ng Punong Ehekutibo na itinuloy ng pamahalaan ang mga pangunahing hakbangin nito tulad ng National Broadband Program, Free Wi-Fi for All Program, ang Luzon Bypass Infrastructure at ang pagtatatag ng shared Passive Telecommunications Tower Infrastructure Sites, at iba pa.
Aniya, ang mga hakbangin na ito ay bubuo ng digital na imprastraktura ng bansa at makakamit ang mga target nito sa Philippine Development Plan 2023-2028.
Tiniyak din ng Pangulo sa FICTAP na ang kanyang administrasyon ay magiging katuwang sa pagpapabuti ng bilis, reliability, affordability at accessibility ng internet at communications services.
“I hope that the collaboration among the government and the private sector, the cable industry stakeholders will not end here — we still have more endeavors to accomplish where we could use our knowledge, experience and expertise for the benefit of our country,” pagtatapos ni Pangulong Marcos.