24 na dating miyembro ng BIFF sumuko sa Cotabato at Maguindanao

24 na dating miyembro ng BIFF sumuko sa Cotabato at Maguindanao

SUMUKO ang isang kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) at limang miyembro ng Armed Lawless Group (ALG) sa bayan ng Midsayap, Cotabato.

Kinilala lang sa alyas Gawang ang sumukong BIFF sa ilalim ng Karialan Faction habang ang limang ALG na sumuko ay kinabibilangan ng kanilang lider na kinilala lang sa pangalang alyas Yang.

Si Yang at ang tatlo nitong mga miyembro ay pawang residente ng Brgy. Nes habang ang isa naman na si alyas Ben ay nakatira sa Brgy. Rangaban lahat sa bayan ng Midsayap.

Ayon kay Lieutenant Colonel Rey Rico, ang acting Battalion Commander ng 34th Infantry (Reliable) Battalion na isinuko rin ng anim ang kanilang mga bitbit na armas na kinabibilangan ng isang Caliber.30 Sniper Rifle, tatlong M14 Rifles, dalawang Caliber.30 Garand Rifles, isang Caliber.30 M2 Carbine, mga magazines at bala.

Pinagkalooban naman ng tig P15,000.00 ang bawat isa mula sa bayan ng Midsayap at P5,000 naman na ayuda mula Municipal Social Welfare and Development Office.

Bukod sa pinansiyal, nakatanggap rin ang mga ito ng food packs, medical assistance, livelihood assistance sa pamamagitan ng goat dispersal at mga payong legal.

Sa kabilang banda, parehong tumanggap ng cash assistance ang 23 former BIFF combatants na una nang sumuko sa 601st Infantry (Unifier) Brigade sa Brgy. Kamasi, Ampatuan, Maguindanao.

Kabilang sa mga sumukong BIFF ay pawang mga commander at miyembro ng teroristang grupong BIFF 1st Division na sangkot sa ilang pagpapasabog at kaguluhan sa probinsiya ng Maguindanao.

Ilan sa mga ito ay sumuko sa 33rd Infantry (Makabayan) Battalion, 2nd Mechanized Infantry (Makasag) Battalion, 601st Infantry (Unifier) Brigade.

Samantala, ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, Commander Major General Roy M Galido, ang usaping pangkapayapaan aniya ay hindi lang responsibilidad ng mga kasundaluhan o kapulisan, kundi tungkulin aniya ito ng bawat isa.

“Ang laban para sa kapayapaan ay hindi lamang trabaho ng sundalo at mga pulis, bagkus ito ay trabaho ng bawat isa,” pahayag ni Galido.

Magandang hakbang din aniya ito sa matagal nang inaasam na magandang bukas at mapayapa na pamumuhay ng bawat mamamayan sa bansa.

“Ang hakbang na ito ay daan para mabigyan natin ng magandang kinabukasan ang susunod na henerasyon at lalong mapaunlad ang ating bayan,” ani Galido.

Follow SMNI NEWS in Twitter