NASA dalawang dosena pa na mga police official ang hindi pa naghahain ng courtesy resignation.
Ito ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr.
Sa 954 na mga senior Philippine National Police (PNP) officials, nasa 24 na lang ang hindi pa nakakapagsumite ng kanilang courtesy resignation.
Una na ring inamin ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na 2 sa mga ito ay mga heneral, habang 5 naman ang pawang mga koronel na nakatakda nang magretiro ngayong 2023.
Isa rin sa mga pangunahing dahilan ng mga ayaw pang magsumite ng pagbibitiw ay ang matagal na nilang panunungkulan sa national police na bumubuhay sa kanilang pamilya sa loob ng maraming taon.
Dahil dito, patuloy ang panawagan ng DILG chief sa mga ayaw pang bumitiw na mga pulis. police official
Samantala ipinagmamalaki naman ni Abalos ang pagbaba ng krimen sa bansa sa huling quarter ng taong 2022 kumpara sa parehong panahon ng taong 2020 at 2021.
Ang pahayag ni Abalos ay kasunod sa isinagawang paglunsad sa S.A.F.E. NCRPO app alert na isinagawa araw ng Lunes sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan Taguig City.
Ang S.A.F.E. NCRPO app alert ay isang paraan para sa mabilis na pagresponde at pagtugon ng mga pulis sa mga sumbong ng mamamayan gamit ang mobile app.
Eksklusibo muna sa mga barangay personnel ang naturang app alert na magbabato ng mga impormasyon sa pulisya malapit sa kanilang lugar upang tumugon sa pagresponde sa nagaganap na krimen sa kanilang lugar.
Paliwanag naman ni PLCol. Mark Foncardas, sa pamamagitan ng naturang police app alert, una munang makatatanggap ng aplikasyon na ito ang mga barangay chairman na siyang pipili kung sino ang puwedeng magdown-load ng naturang app alert.
Ang mga barangay tanod ay agarang magpupukol ng impormasyon sa pulisya ukol sa nangyayaring krimen sa kanilang lugar.
Kapag ganap nang maisaayos ang nasabing proyekto ay maaari na ring magdownload ang mga nasa hanay ng religious group, mga ospital, government institutions at iba pa hanggang sa kalaunan ay magkakaroon na rin ng PNP app alert ang bawat indibidwal na magiging ‘responsable’ sa paggamit nito.