24 na paliparan, apektado ng Bagyong Odette —Secretary Tugade

UMABOT sa 24 na mga paliparan ang apektado ng pananalasa ng Bagyong Odette sa bansa ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Inilahad ni DOTr Secretary Arthur Tugade ang bilang ng mga paliparan na tinamaan ng Bagyong Odette nitong nagdaang mga araw kung saan 24 na mga airport ang apektado sa pagtama ng naturang bagyo sa bansa.

Dagdag ni Tugade, ang naturang pinsala sa mga paliparan ay pinaghati-hati sa tatlong klasipikasyon.

“Airports that sustained minor damages, airport that have sustained major damages and airports that have sustained critical damages.  Doon po sa airports that have sustained minor damages, labinlima ang tinamaan ng paliparan, kasama dito ang Busuanga, Puerto Princesa, Bicol, Caticlan, Kalibo, Roxas, Bohol, Panglao, Tacloban, Ormoc, Laguindingan, Cotabato, Davao, General Santos, Butuan, at IloIlo,” pahayag ni Tugade.

Ayon kay Tugade, bagama’t ang ilang paliparan ay nagtamo ng minor damages, tuloy-tuloy na naman ito sa pag-ooperate matapos humina ang Bagyong Odette.

Maliban dito, kabilang naman sa mga paliparan na nagkamit ng malaking pinsala ang San Vicente Airport, Dumaguete Airport, Camiguin Airport,  Siquijor Airport,  Antique Airport, Maasin Airport, Surigao Airport at  Mactan Cebu Airport.

Bagama’t ang mga ito ay nagtamo ng malaking pinsala, agad naman itong nagbukas ng operasyon noong Disyembre 24.

Samantala, isa ang Siargao Airport sa lubhang napinsala, pero iginiit pa ni Tugade na nakasisiguro aniya siya na ngayong araw Disyembre 28 ay bukas na ito sa komersyal.

“Lahat ng paliparan na naapektuhan ng typhoon Odette by tomorrow will be commercially operational maski na ginagawa at inaayos yung mga repair na ginagawa sa mga paliparan,” ani Tugade.

Isa sa mga rehabilitation measures na ginagawa ng kagawaran ay ang paglalaan ng pondo upang mapabilis at makumpleto na ang pagsasaayos ng mga nasabing paliparan.

Kabilang sa pinaglaanan ng pondo para sa nasabing rehabilitasyon ang Siargao Airport na nasa halos P13.5-M, Surigao Airport P10.5-M habang P3.75-M naman sa Maasin Airport at P2-M sa Mactan Cebu Airport.

Samantala, sa kabila ng pagsasaayos ng mga paliparan, hindi rin pinapabayaan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang kanilang mga relief operation sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyo.

Maliban dito, iniulat din ni Tugade na mas malaki ang pinsala ng Bagyong Odette sa maritime sector.

Umabot sa 160 ports ang naapektuhan, pero mula sa kabuuan bilang, 126 dito ay fully operational na habang naman ang partially operational at siyam ang critically damaged.

“Kung gagawin namin ang pamamaraan upang mapadali iyong construction, dalawa yung guiding principle namin, una we will not sacrifice the quality or ports, number two we will not sacrifice the reasonability of cost and budgetary estimate,” ayon kay Tugade.

Isa sa mga critically damaged port ang Maasin, San Ricardo, Getafe, Tapal at Talibon ports.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang rehabilitasyon ng DOTr, PPA at CAAP para sa mga napinsala ng Bagyong Odette sa paliparan at daungan sa bansa.

SMNI NEWS