25 Chinese nationals, nahuli sa pagtatangkang magpabakuna sa Maynila

INIIMBESTIGAHAN ng Manila Police District (MPD) ang 25 Chinese nationals na umano’y nagtangkang magpabakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) gamit ang medical certificate sa iba’t ibang vaccination sites sa Maynila.

Ayon kay MPD Chief Brig. Gen Leo Francisco, ilan sa mga Chinese ay mga turista na hindi nagsasalita ng Filipino o English at hindi naninirahan sa Maynila.

Unang inulat ng MPD ang anim na Chinese national na nahuli sa Tondo sa pagtatangkang makakuha ng bakuna gamit ang kahina-hinalang mga dokumento sa medikal noong Linggo kung saan ang A3 o 18-59 years old na may comorbidities ang binakunahan sa lugar.

“Kung titingnan mo, 19 na Chinese ang kinuwestyon dyan sa Station 5 tapos anim sa Station 1, plus tatlong Pilipino, bale 25 na Chinese,” ayon kay Francisco.

Kasalukuyan pa aniyang sinusuri ang kanilang mga dalang medical certificate kung ito ba ay tunay o hindi.

Ayon kay Francisco, nagparehistro ang mga Chinese national sa pamamagitan ng online at nabigyan ang mga ito ng QR codes.

Aniya, humingi ng tulong ang Manila Health Department (MHD) sa pulis.

“Nagtataka yung mga taga-MHD dahil iisa lang ang nagbigay ng kanilang medical certificate na pumirma. Ang problema dun, walang pangalan yung doctor, PRC number lang, kaya kailangan pumunta pa kami sa PRC para ma-verify ‘yung number na ‘yun kanino inisyu,” ayon kay Francisco.

Kailangan naman aniyang palayain ang mga nahuling Chinese national at nagpadala na rin ito ng sulat sa Chinese Embassy at sa Bureau of Immigration para sa impormasyon ng mga ito.

Nagpadala na rin sila ng sulat sa Professional Regulation Commission (PRC) upang makuha ang detalye sa signatoryo ng medical certificates.

Kasalukuyan naman aniyang hinihintay ang sagot ng mga nasabing mga opisina.

Sa kaso naman ng tatlong Pilipino, ani Francisco, galing ang mga ito sa Quezon City at naninilbihan bilang katulong kung saan dinahilan ng mga ito na inirehistro sila ng kanilang mga amo.

“Ang dami nating mga Pilipino na dapat magpabakuna eh. Kami, ako namatayan ng dalawang tao. Ang aming positive ay 100 something. We cannot get vaccinated because we are following protocols tapos sila, so makikita mo ‘yung minsan, ano ba yan, unfair,” dagdag ni Francisco.

SMNI NEWS