NAKIISA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lighting ceremony ng Philippine Domestic Submarine Cable Network (PDSCN) sa lungsod ng Makati nitong Pebrero 15.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na ang proyekto ay magbibigay ng mas mabilis na internet sa mga Pilipino at pagkokonektahin ang mga lalawigan.
“With the completion of the PDSCN, let me express our excitement and our optimism as we zoom in on faster fiber internet speeds for Filipinos,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ang Philippine Domestic Submarine Cable Network (PDSCN) ay may haba na humigit-kumulang 2,500 kilometro.
Ito na ngayon ang pinakamahaba at pinakamataas na capacity domestic submarine fiber cable network sa Pilipinas, na nag-uugnay sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ang PDSCN, ayon sa InfiniVAN Inc. Chairman na si Koji Miyashita, ay nagkokonekta sa mga isla na may mga touch point sa 21 probinsiya, mula Quezon hanggang Zamboanga.
Inihayag naman ni Pangulong Marcos na patuloy na nagsasagawa ang pamahalaan ng mga hakbang tungo sa pagbibigay sa mamamayang Pilipino ng maaasahan at mura o abot-kayang serbisyo sa internet.
Ito aniya ay magbibigay-daan din na mapabuti ang katayuan ng Pilipinas pagdating sa broadband at mobile internet speed at coverage.
Sa kabilang dako, inilahad ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy na ang proyekto ay naglalayon na magbigay ng inclusive connectivity sa buong Pilipinas, partikular sa mga lugar na kulang sa serbisyo at hindi naseserbisyuhan.
Ang $150-M PDSCN project ay magkasanib na proyekto ng InfiniVAN Inc., Globe Telecom, at Eastern Telecom sa pakikipag-ugnayan sa DICT.
Kaugnay rito, binati ng Pangulo ang InfiniVAN at ang mga katuwang nito para sa pagsasakatuparan ng nasabing proyekto.
“The project that you initiated, and meticulously completed without much fanfare, is truly a game changer in the Philippines’ quest to be amongst equals in terms of internet interconnectivity and digital transformation,” Pangulong Marcos.
Ang InfiniVAN Inc., na affiliated sa Tokyo Stock Exchange-listed IPS, Inc., ay isang telecommunications company na may 25-year congressional franchise para bumuo, magpatakbo at mag-maintain ng wired at wireless network.
Ibinahagi ni Pangulong Marcos na ang PDSCN ay isang shared vision ng Pilipinas at Japan.
Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos ang Japan habang inaasahan niya ang higit pang pakikipagtulungan sa kanila sa hinaharap.
“This same vision and foresight of our future with the PDSCN is shared by our Japanese friends and partners.”
“So, let me reiterate that this government supports public-private sector investment, and we are committed to promoting ease of doing business in the Philippines to facilitate the establishment of critical infrastructure in telecommunications,” aniya.