27 metric tons ng live hogs mula sa GenSan dumating na sa NCR

MAKAKABENTA na nang hindi lugi ang mga vendors dahil dumating na ang unang suplay ng live hogs mula General Santos (GenSan) at saad ng Department of Agriculture regular na itong mangyayari.

Ayon kay Sec. William Dar ng Department of Agriculture idiniretso sa slaughter house sa Antipolo ang naturang mga baboy at dadalhin sa pinakamalapit na pamilihan.

Unang trucking ito ng mga baboy mula GenSan at aasahang kada linggo ay may dadalhin na sampung libong live hogs sa Metro Manila matapos nangako ang southern Cotabato Swine Producers Association na regular itong magsusuplay.

Dagdag ni Dar may transport assistance na ibibigay ang kagawaran sa mga hog raisers sa bawat kilo ng baboy.

Sa General Santos at sa ibang parte ng Mindanao, P21 ang dagdag sa bawat kilo ng live hog.

P15 kada kilo naman ang transport assistance ang ibibigay sa Visayas, MIMAROPA, Bicol, extreme Northern Luzon.

Habang P10 naman ang ibibigay sa mga magbababoy sa CALABARZON at Central Luzon.

Inamin naman ng kalihim na may paulit-ulit na problema sa permitting process sa sektor na nagpapabagal sa transportasyon ng mga live hogs.

Aniya ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit ang mga local meat importers ay tumatanggi na mag-alok ng mas mababang presyo sa kabila ng mahigpit na supply.

Nangako naman ang DA Chief na i-streamline ang proseso ng pagpapahintulot o red tape sa industriya ng baboy sa local government level.

Saad ng kalihim magiging bahagi ito ng long-term plan ng kagawaran upang matugunan ang pork price crisis sa Metro Manila.

Hinimok naman ni Dar ang mga local government units kabilang na ang mga barangay officials na tanggalin na ang hindi kinakailangan na permitting requirements lalo na ngayon na mababa ang suplay ng pork products sa National Capital Region.

Samantala, umapela ang Palasyo sa mga vendors na sumali sa pork holiday na ibalik ang kanilang operasyon at ipagpatuloy ang pagbebenta ng mga karneng baboy.

Tumigil sa pagbenta ang ilang vendors dahil sa takot na malugi sa gitna ng price freeze.

May mga consumers naman na nag-pork holiday dahil pipiliin nalang muna nila ang pagkain ng alternatibong protein sources.

Saad ni Roque, naglaan na ng suporta sa transportasyon at pinansyal ang pamahalaan sa mga hog raisers na magpapadala ng kanilang mga produktong baboy sa Metro Manila kung kaya’t aasahang mababa na ang presyo nito mula sa farm gate hanggang sa merkado, at wala nang malulugi.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *