OPISYAL nang inanunsiyo ng Pasay City LGU ang paglalaan ng P250 million na pondo para ipambili ng COVID-19 vaccine.
Dahil dito, tiniyak ng lokal na pamahalaan na makikinabang dito ang nasa 275,000 na mamamayan nito oras na maging bukas na sa merkado ang bakuna.
Prayoridad ng Pasay City na bigyan ng libreng bakuna ang nasa health services sector, mga matatanda, pulis at pinakamahihirap na pamilya para agad na maproteksiyunan ang mga ito laban sa nasabing sakit.
Pero ilan sa mga nakausap ng SMNI News team, may alinlangan ang iba dahil sa takot na maulit ang sinapit ng mga kabataang naturukan noon ng Dengvaxia.
Habang ang iba naman, ay may hamon na unahin muna ang mga opisyal bago sila magpaturok sa nasabing bakuna.
Nauna nang lumabas sa survey ng OCTA research na nasa 25% lamang mula sa kabuuang bilang ng populasyon sa National Capital Region ang pumayag na magpaturok ng COVID-19 vaccine.
Bagama’t hanggang sa ngayon ay wala pa ring naaprubahang brand ng bakuna ang Food and Drugs Administration (FDA) na maaaring gamitin ng pamahalaan kontra COVID-19.
Ayon pa kay FDA Executive Director Eric Domingo, dumarami pa ang pumapasok na aplikasyon sa bansa mula sa mga producer ng bakuna kaya tumatagal ang proseso ng clinical trials sa mga ito.
Bagama’t lumalabas na malaki ang potential ng mga bakuna mula sa Pfizer at AstraZeneca.
Bukod sa Pasay City naglaan na rin ng kani-kaniyang pondo ang mga LGU ng Manila, Makati at Quezon City na aabot sa isang bilyong piso.
Habang nasa kalahating bilyong piso pababa naman mula sa mga LGU ng Las Piñas, Pasig, Valenzuela, Muntinlupa, Navotas, Caloocan.