280 violations, naitala ng I-ACT sa buwan ng Hunyo

280 violations, naitala ng I-ACT sa buwan ng Hunyo

PATULOY na namamayagpag ang unified command ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) sa pagpatutupad ng panuntunan sa loob at labas ng EDSA Busway Carousel.

Katuwang ang PCG, LTO, LTFRB, PNP-HPG, MMDA at iba pang mga ahensiya, umabot sa 280 violations ang tinekitan ng I-ACT simula ng buwan ng Hunyo samantalang dalawa sa mga nasakote rito ay na-impound.

Timbog ang napakaraming bilang ng mga samu’t saring mga sasakyan na ito sa I-ACT dala na rin ng walang patid na pagpapatupad nito ng R.A. 4136.

Nangunguna pa rin sa mga naitalang violations ang maling paggamit ng bike lanes, hindi pagsuot ng standard helmet at hindi pagtalima sa traffic signs.

Kasama rin dito ang pagbiyahe ng dalawang hindi rehistradong motorsiklo na nagdulot ng tuluyang pag-impound sa mga ito.

Samantala, malugod na sinalubong ng task force ang Bus Management and Dispatch System (BMDS) ng MMDA na tinatayang malaki ang maitutulong sa ikabubuti ng takbo at dispatching ng mga bus sa EDSA Carousel na lalo pang pinalakas dahil sa digitalized na paraan ng pagsubaybay sa mga ito.

Kaakibat ang mga iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, sinisiguro ng I-ACT ang patuloy na 24/7 na pagpapaigting nito ng batas trapiko sa ating kalsadahan upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat ng mananakay sa anumang oras.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter