TINIYAK ng Bureau of Customs (BOC) na bago magpasko ay maihahatid sa mga may-ari ang halos dalawang libong balikbayan boxes na inabandona sa isang warehouse sa Balagtas, Bulacan.
Sinabi ni BOC spokesperson Arnaldo dela Torre Jr. na agad nilang sisimulan ang libreng pagdedeliver ng mga balikbayan boxes ngayong linggong ito.
Magugunitang nagkaroon ng tensyon sa naturang warehouse sa Bulacan dahil malabo o magulo ang kautusan sa pagri-release ng mga balikbayan boxes matapos ang ilang buwang delay o pagkaantala.
Ang mga package ay mula sa Middle East na sinasabing inabandona ng Foreign Courier Services sa BOC.
Sa ngayon anya ay inihahanda na ng legal team ng BOC ang mga dokumento para sa isasampang mga kaso laban sa consolidators o freight forwarders na nag-abandona sa mga balikbayan boxes.