NAKATAKDANG dumating sa bansa ang 3.2 million doses ng Johnson and Johnson (J&J) COVID-19 vaccine sa Hulyo 19.
Sa Laging Handa forum, sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na ang 3.2 million J&J vaccine doses ay donasyon mula sa United States government sa pamamagitan ng Global Aid COVAX Facility.
Gagamitin aniya ang bakuna sa mga senior citizen at persons with comorbidities batay na rin sa direktiba ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez.
Sakaling dumating sa bansa ang J&J vaccine na isang single-dose vaccine, ito ang kauna-unang shipment nito sa Pilipinas.
Bukod sa J&J vaccine, inaasahang darating din sa bansa sa parehong petsa ang 562,000 doses ng Pfizer vaccines at karagdagang 375,000 doses nito sa Hulyo 26.
Habang 6 million Sinovac doses naman ang magkakahiwalay na idideliver sa bansa ngayong Hulyo.