NAGBANTA ang Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas Inc. (KSMBPI) na magsasampa ng kaso laban sa iba pang A-lister actresses ng streaming platform na Vivamax.
Ayon kay Atty. Mark Tolentino, abogado ng grupo, magsasampa sila ng kaso laban kina AJ Raval, Ayanna Misola, at Azi Acosta.
Ito’y para magturo ng leksiyon laban sa pagpo-post ng malalaswang content sa social media na siyang adbokasiya ng grupo.
Nauna nang kinasuhan nitong Martes, ang Filipina-Korean sexy-star na si Angeli Khang dahil sa pagpo-post ng mga mahahalay na video sa Facebook page nito na may higit isang milyong follower.
Ayon sa KSMBPI, walang puwang sa makabagong panahon ang pagpo-post ng mga bastos na content lalo na’t may access sa modernong teknolohiya ang mga kabataan.
Sinisiguro naman ng grupo na patuloy silang naka-antabay at nakahandang mag-kaso sa mga magpo-promote ng kabastusan sa telebisyon at sa social media.
Kahit pa panahon ng pagbibigayan at pagpapatawaran sa paparating na Kapaskuhan.
“Sa mga nude content creators, sabi ko nga… Santa Claus is coming to town. So, ‘yang ginagawa ninyo kung hindi niyo pipigilan baka doon kayo magpasko sa kulungan,’ saad ni Atty. Tolentino.