KINUMPIRMA ngayon ng PNP ang tatlong aktibong Private Armed Groups na kanilang binabantayan sa gitna ng paghahanda sa paparating na midterm elections.
Batay sa pinakahuling monitoring ng PNP sa huling bahagi ng taong 2024, nananatiling aktibo ang banta ng private armed groups mula sa Region 3, Region 7 at sa Mindanao bagamat hindi pa pinapangalanan ang grupong ng mga ito.
“Doon sa potential PAGs natin ay meron pa rin tayo na 3 active na PAGs as of 4th quarter ‘yan ng 2024 at ‘yan ‘yung sa Region 3 isa, isa sa Region 7 at isa sa Mindanao. So, patuloy natin mino-monitor ‘yan at mahigpit ‘yung utos ng ating chief PNP na bantayan itong mga active PAGs na siguraduhin na hindi ito magagamit ng sinumang pulitiko or grupo na maaaring makapag-influence ng election,” ayon kay PBGen. Jean Fajardo Spokesperson, PNP.
Sa kabilang banda, mayroon pang limang potential private armed groups ang nasa listahan ng PNP sa mga area ng Luzon, Visayas at Mindanao
“Sa potential ay we are looking at 5 groups. Meron din sa Luzon at meron din sa Mindanao at meron din sa Visayas,’’ ani Fajardo.
Ang nasabing mga grupo ay kasalukuyan na ring binabantayan na hindi magamit ng mga politiko para makapandaya, mang-abuso sa mga botante ngayong panahon ng halalan.
Samantala, nagpaalala rin ang Pambansang Pulisya sa publiko kaugnay sa pagsisimula ng Election Period sa darating na January 12, 2025.
Hudyat rin ito ng opisyal na pagsisimula ng Nationwide Gun Ban o pagbabawal ng pagdadala ng mga armas tulad ng baril, pampasabog o anumang nakamamatay na sandata.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PBGen. Jean Fajardo, bahagi ito ng paghahanda ng Pulisya na maiwasan ang mga insidente ng Loose Firearms na kadalasay nagagamit partikular na sa mga lugar na may matinding political rivalries.
“Of course ‘yung ating loose firearms na normally ay nagagamit ‘yan kapag may mga insidente tayo at ‘yung mga namo-monitor natin particularly yung mga intense political rivalries na maaaring mag-trigger ng any election relation incidents. Sa darating na linggo Jan. 12 ay start ng election period, so start na rin ‘yan ng nationwide gun ban natin. So, ‘yun ‘yung paalala natin sa ating mga kababayan,” saad ni Fajardo.
Sa ilalim ng COMELEC Resolution No. 10466, mga aktibong miyembro ng pulis, militar lamang na may mga kaukulang lisensiya ang maaaring magkarga ng armas tuwing eleksiyon.
Pero, maaaring mag-apply para sa gun ban exemption ang ilan gaya ng mga security guard at mga bodyguard.
Sa ngayon, wala pang namo-monitor na malaking banta sa seguridad ng publiko kaugnay sa nalalapit na midterm elections sa Mayo.