MAY hanggang Marso na lamang ang pananatili ng tatlong aktibong private armed groups na minamanmanan ngayon ng pulisya sa gitna ng paghahanda para sa midterm elections sa Mayo.
Ayon kay PNP Spokesperson at PRO 3 Regional Director Police Brigadier General Jean Fajardo, ipinag-utos na aniya ng PNP ang pagbuwag sa tatlong aktibong PAGs kasama na ang % potential PAGs.
“Tama, nagbigay ng ultimatum ang ating Chief PNP na by March ay dapat nalansag na itong na-identify na 3 active PAGs at ito pong 5 na we are closely monitoring na mga potential PAGs,” saad ni PBGen. Jean Fajardo, Spokesperson, PNP.
Ani Fajardo, hindi na bago ang paalalang ito sa mga concerned officials at hindi ito dapat na hayaan na lang sa pangambang magamit pa ang mga PAGs sa ilang criminal activities ng mga politiko gaya ng panghaharass sa mga botante, at mga kalaban sa politika.
“There is no reason for the field commanders particularly the concerned regions and provinces para hindi nila matrabaho. Ang fear natin dito ay kung hahayaan natin na hindi ito malansag there is a big possibility na magamit sa panghaharass, pag intimidate not only dito sa mga kalaban nilang kandidato, pati na rin sa mga magboboto mga botante,” ani Fajardo.
Bagamat sa ngayon ay wala pa naman aniya silang namo-monitor na movement o pagkilos ng mga binabantayang PAGs na konektado sa halalan.
“Bagamat sa ngayon ay wala tayong namomonitor na any activities relating to possible employment of these PAGs but we cannot discount the possibility na habang papalapit ang eleksyon ay dahil nandiyan lang sila ay possibleng magamit sila,” dagdag ni Fajardo.
Sakaling bigong mapuksa ng mga field commanders ang nasabing mga PAGs, tiniyak ng PNP ang relief sa mga ito.
“Q: Paano kapag hindi nalansag? “This will be ground for their relief. That is the instruction of the Chief PNP,” dagdag ni Fajardo.
Mga lumabag sa nationwide gun ban, nasa 274 na
Samantala, nadagdagan pa ang bilang ng mga lumabag sa ipinatutupad na gun ban sa bansa dahil sa eleksiyon.
Batay sa pinakahuling tala ng National Election Monitoring Action Center, umakyat na sa 274 ang mga naaresto na pinangunahan ng National Capital Region at sinundan ng Region 3.
Habang nakakumpiska naman ng 279 na iba’t ibang uri ng baril at armas sa gitna ng ipinatutupad na COMELEC checkpoint sa buong bansa.