NAGING matagumpay ang tatlong araw na Maritime Cooperative Activity (MCA) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at United States Indo-Pacific Command sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay AFP chief of staff General Romeo Brawner, Jr. wala silang naitalang untoward incident bagama’t namataan nilang nakabuntot ang barko ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) ng China sa layong 6.5 nautical miles.
Nangyari aniya ito habang nagsasagawa ng tactical exercise sa bisinidad ng Malampaya gas field facility sa Palawan ang BRP Jose Rizal at BRP Gregorio del Pilar ng Philippine Navy, at USS Gabrielle Giffords ng U.S Navy.
Wala namang agresibong aksiyon ang barko ng China.
Ang MCA na nagsimula noong Martes at nagtapos kahapon ay ginawa upang mapahusay ang interoperability ng AFP at US Indo-Pacific Command.
Isa rin itong aprubadong aktibidad ng Mutual Defense Board-Security Engagement Board at nakapaloob sa Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at Amerika.