UMARANGKADA nitong Marso 12 ang prayer vigil at motorcade sa harap ng Kapitolyo ng Pampanga, sa San Fernando City para ipanawagan ang pagbabalik sa bansa ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
“Ang magbibigay lang at magkakalulo sa kapwa Pilipino ay si Hudas, hudas lang ang magkakalulo sa isang Pilipino sa mga taga-banyaga” ayon pa sa isang taga-suporta.
Hindi na nagpaawat ang mga Kapampangan at binasag na rin nila ang kanilang katahimikan, na mariin nilang kinokondena ang umano’y kawalan ng hustisyang dinanas ni dating Pangulong Duterte sa kamay ng kasalukuyang administrasyon dahil ipinagkanulo ito at ibinigay sa kamay ng mga banyaga.
“Hinihiling namin na ibalik si Pangulong Duterte sa Pilipinas, hinihiling namin na pabalikin sa Pilipinas si Duterte dahil hindi makatarungan ang ginawa nila sa kanya bakit kailangan pagmadaliin na siya ay ilipad ng eroplano papuntang Netherlands,” pahayag ni Edwin Maniti, Organizer.
Nag-alay ng mga mataimtim na panalangin at mensahe ang mga Kapampangan para sa panawagan ng hustisyang nararapat kay dating Pangulong Duterte na ilegal na inaresto at dinala sa tanggapan ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
“If my people who are called by my name will humbled themselves and pray and seek my face and turn from their wicked ways then I will heal from heaven then I will heal their land,” mataimtim na panalangin ng isa pang taga-suporta.
Kasabay ng prayer vigil, isang motorcade ang kanilang ginawa kung saan umikot ang mga ito sa pamilihang bayan ng Pampanga.
Nagwagayway sila ng watawat ng Pilipinas, na sumisimbolo sa pagiging makabayan ng dating Pangulo, at isinisigaw sa kalsada ang Duterte! Duterte!.
Nagpaabot naman ng mensahe si Maniti kay dating Pangulong Duterte:
“Mahal naming dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kami po ay naririto, nanalangin sa inyo at napakalaki po ng aming pag-asa na ang Diyos ay sumasainyo at tutulungan tayo ng Panginoon na maibalik po kayong muli dito sa ating bansa at ang mga Kapampangan po ay nasa likuran ninyo hindi po kami bibitaw,” pahayag ni Maniti.
Naniniwala sila na mahalaga ang sama-samang panalangin at pagkilos upang labanan ang umano’y kawalan ng hustisya sa bansa dahil batid nila na ang paglapastangan sa karapatan ng Pilipino, gaya ng karapatang tinanggal nila sa dating Pangulo na anila’y isang paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas.
Magtatagal naman ang prayer vigil at motorcade hanggang sa Biyernes, Marso 14.